Love Rendezvous Book 1
My Young Love - Chapter 6
by Mystic France
CHAPTER 7: YESTERDAY ONCE MORE (Carpenters)
Blond hair and blue eyes. Kahit nasa Pilipinas na siya ay hindi iyon nawala kay Diana. Halos magkasunod lang sila ni Henry na umuwi ng Pilipinas. Nauna lamang siya ng isang linggo. Dumiretso siya sa Bicol samantalang si Henry ay namalagi pa sa Maynila ng ilang araw. Pagdating na pagdating ni Henry sa Naga City ay kaagad siya nitong tinawagan at nagkita sila. Sa San Felipe lang pala ang bahay ng mommy ni Henry, medyo malapit lang sa downtown. Samantalang si Diana ay nakatira sa Carolina, ang daan papunta sa Mt. Isarog. Malayo pa sa downtown, pero nadadaanan ang lugar nina Henry. Along the hi-way lamang ang bahay ng ina ni Henry. Nagulat siya nang una niya iyong makita nang sabay sila ni Henry umuwi nang isang beses na magkita sila sa downtown.
Kulay pula ang kulay ng gate, puti ang pintura ng bahay pero medyo may kalumaan na. May dalawang palapag at may dalawang aircon sa ikalawang palapag. Ganoon ang bahay na nasa panaginip niya noon. Si Henry nga kaya ang lalake sa panaginip niya?
Magkasabay silang nagpatala sa Athena University. B.S. Psychology ang kursong napili ni Diana, samantalang B.S. Computer Engineering naman ang napili ni Henry. Nang magsimula ang pasukan, hindi na sila madalas magkasama katulad noong nasa Ontario sila dahil sa pagkakaiba ng schedules, pero nagkikita pa rin naman sila sa paaralan. Marami ang nagkakagusto kay Henry, alam niya. Hindi naman iyon pinapansin ni Henry. Bagkus ay mas nagiging friendly pa ito sa mga nakikilala sa paaralan. Minsan ay ini-schedule nila ang paglabas at pamamasyal. Sa mga pagkakataong iyon, naitatanong kay Diana ng ilang nakakakita sa kanilang schoolmates tungkol sa relasyon nila ni Henry. Sinabi nilang magkaibigan lang naman sila. Pero tila hindi nakukumbinsi ang ilan. Ang mga tao namang naniniwala na magkaibigan lang sila ay nagsasabing baka raw ma-develop sila sa isa’t-isa. Malaki ang paghanga niya kay Henry, pero hindi niya naiisip na magiging sila. Ayaw niyang magtanong, pero palagay niya ay wala naman kasi sa plano ni Henry ang pakikipag-relasyon. Marami itong priorities, lalo na ang pamilya. At isa pa, parang hindi niya nakikita si Henry bilang lalakeng kanyang makakatuluyan.
Henry Roberts... Miss na miss na kita, sabi niya sa sarili, isang gabi na nasa harapan siya ng study table niya. Kahit nagkikita at nagkakasama pa rin tayo, missed pa rin kita. Gusto na kitang makasama uli katulad ng dati. Haaay, pag-ibig!
Naisipan niyang i-text si Henry. <I miss you! So sad. L>
Narinig niya ang message tone ng cellphone niya. May mensahe galing kay Henry. Ikinatuwa niya iyon.
<Hey, don’t be sad. I miss you, too! J It’s just that I’m busy right now with some school works. But we can have dinner tomorrow if you want?>
Mahilig pa rin magyaya si Henry na mamasyal o kumain sa labas.
<Sure. Thank you! J>
<I’ll see you tomorrow by 7:30 pm? By that time, tapos na ang class ko. Wer kita sunduin?>
<Sure, 7:30pm. Sa library na lang siguro kasi may tatapusin din akong assignment.>
<Oks. I’ll see you then.>
Umaga pa lamang at papasok na siya ng paaralan ay excited na si Diana sa pagkikita nila ni Henry. Halos hindi siya nakatulog nang nagdaang gabi dahil sa excitement. Nakasakay na siya noon sa jeep at lumilipad ang isip niya. Nakatingin siya sa bintana.
“Miss, puwedeng makitabi?”
Hindi siya lumingon sa kung sino mang tatabi sa kanya. Umusog siya upang makaupo ang tao.
“Miss, nagbayad ka na?” sabi uli ng isang tinig.
Saka lamang siya lumingon sa katabi niya. Nanlaki ang mga mata niya. “Henry!” Napakagat-labi siya. Si Henry pala ang katabi niya sa jeep.
“Ke aga-aga, parang wala ka sa sarili. Ano ba’ng iniisip mo?” biro nito habang kumukuha ng pera sa coin purse nito.
“Ha? Wala naman.” Inilabas na rin niya ang coin purse upang kumuha ng bayad.
Iniabot ni Henry ang bayad sa konduktor ng jeep. “Athena Avenue po, dalawang estudyante. Isa po galing Carolina, isa galing San Felipe.”
“Heto na’ng pamasahe ko...” inabot niya kay Henry ang pera.
Umiling ito nang naka-kunot ang noo. Ayaw tanggapin ang pera niya.
“Nadagdagan na naman ang utang ko,” kunwa’y inis na sabi niya.
“Ikaw lang naman ang nagsasabing may utang ka. Sigurado ka bang sa library kita susunduin mamaya? ‘Di ba 4:30 matatapos ang klase mo?”
Parang alam na alam nito ang schedule niya. “Sure po ako na 7:30 kasi nga may gagawin kaming group project sa Biology, saka may ire-research din ako para sa General Psychology.”
“Sige, ikaw ang bahala.”
Magkasabay silang bumaba ng jeep at naglakad papasok sa paaralan. Naghiwalay sila ng direksyon pagpasok ng gate dahil sa magkaibang building sila.
“I’ll see you later,” pahabol ni Henry bago siya makalayo.
“Have a great day ahead!” sabi naman niya. Tinahak na niya ang daan patungo sa building nila.
“Ang aga-aga n’yo namang mag-ligawan.”
Nasa likod pala ni Diana si Candice, isa sa mga ka-klase niya na Psychology din ang kurso. Simpleng ngiti lang ang ibinigay niya sa ka-klase.
“Boyfriend mo si Henry Roberts?” tanong ni Candice.
“Hindi,” nakangiting sagot niya. Batid niya ay isa rin si Candice sa mga babaeng nagkaka-crush kay Henry sa paaralan. Isa rin ito sa naaakit sa blond hair at blue eyes ni Henry.
Nakita niya ang kaibahan ng mga Canadians at Pilipino. Noong nasa Canada sila, walang nagtatanong kung mag-on sila ni Henry kahit pa araw-araw silang magkasama at madalas ‘mag-date’. Pero dito sa Pilipinas, bihira na nga silang magkasama, marami pa ring nagtatanong. Maraming nag-uusisa. Malisyosa ba ang karamihan sa ating mga Pilipino? O masyado lang tayong conservative at pinapahalagahan ang moral values na hindi ka dapat sumama sa isang lalake kung hindi mo naman siya boyfriend? Kung alin man sa dalawa ang kasagutan sa tanong niya ay ayos lang. Basta sa kanila ni Henry, walang malisya ang pagiging malapit nila.
Gusto nang hilahin ni Diana ang oras para gumabi na. Nang sa gayon ay magkita na sila ni Henry. Gusto na niya itong makasama. Bihirang mag-alok ng dinner si Henry. Kadalasan, kapag kumakain sila sa labas ay snacks o lunch lang. Naiintindihan niyang ngayon ay kulang ito sa oras at nagpapasalamat siya dahil isinali pa rin siya nito sa hectic na schedule.
Saktong alas-siyete y medya ng gabi, nagpaalam na si Diana sa mga ka-klaseng kasama niyang gumagawa ng project at research at lumabas ng library. Sa labas na lamang siya ng library maghihintay para hindi na umakyat si Henry at para na rin hindi na ito makita ng mga ka-klase niya. Tiyak na magtatanong na naman ang mga iyon tungkol sa kanila. Hindi rin siya naghintay ng matagal. Dumating naman kaagad si Henry. Nakilala kaagad niya ito kahit malayo sa suot nitong school uniform at dalang back pack, at sa body structure at paglalakad nito habang papalapit sa kanya. Sigurado siyang maya-maya lang ay makikita na niya ang blond hair and blue eyes nito.