Balayan, Batangas.
Tahimik na nagre-review si Juliette nang madinig ang bungisngisan ng grupo ni Angelica. Si Angelica Cuevas at ang grupo nito ang certified at undefeated kikay ng campus nila. Palibhasa ay magaganda at may mga sinabi sa buhay, may karapatan talaga ang mga itong ipagmalaki iyon. Nasobrahan nga lang. Isa lang ang alam niyang dahilan kung bakit parang naiihi ang mga ito sa sobrang kilig, Glenn Josua Powell has arrived. Ang transferee nilang kaklase mula sa Maynila. Instant hit ito sa campus nila dahil bukod sa taglay nitong kagwapuhan, ito ang anak ng mayor ng bayan nila at kabilang sa Special Science section, ang pinakamataas na section sa kanila kung saan siya nabibilang. Ang bayan ng Balayan ay isa sa mga bayan ng Batangas kung saan siya lumaki. Lumaki siya sa mga simpleng bagay, masaya na siya kapag nakikita ng mga malalawak na taniman ng tubo sa kanila.
“Ang s’werte talaga niyang si Juliette. Biruin mo sa kanya pa napiling tumabi ni Glenn bakante naman ang seat ko that time.” Inggit na inggit na sabi ni Angelica. Nang ipakilala kasi sa kanila ang binata ay pinapili ito ng guro kung saan gustong maupo and she was surprised that he choosed to seat beside her.
“Friend, huwag ka na ngang mainggit diyan. Hamak na mas maganda ka diyan kay Juliette dinadaan lang naman niyan sa talino ang lahat.” Sadyang inilakas ni Carla ang boses para marinig niya iyon.
Napailing na lang siya at ibinalik ang atensiyon sa binabasa. Wala siyang mapapala kung papatulan ang mga ito at isa pa hindi naman siya naapektuhan kung sabihan man siyang pangit ng mga ito at least binabawi naman nga niya sa academics ang lahat. And she’s proud to say na running for valedictorian siya sa darating nilang graduation.
“Excuse me. May notes ka ba nung lecture kahapon?” Parang nahihiya pang tanong ni Glenn. Napipilan siya ng mapatinggin dito. Hindi niya namalayang nakalapit na ito sa p’westo niya. And literally, he is inches away from her face. Sino ba naman ang hindi ma-aattract dito, matangkad ito, may histura at magaling magdala ng damit. Sa murang edad nito ay halata nang g’wapo ito.
Parang naaalangang napalayo siya rito. Tumango siya at sa sobrang pagkalitong naramdama ay bigla na lang niyang ipinasa rito ang binabasa.
“Sige, mamaya na lang. Ginagamit mo pa pala.” Ngumiti ito. Bumilis ang tibok ng puso niya ng masilayan ang munting biloy sa pisngi nito.
“Okay lang. Tapos na ako. Kokopya ka ba?” Iniiwas niya ang mga mata dahil parang lagi siyang nawawala sa sarili sa tuwing mapapatinggin siya sa abuhing mata nito.
“Ire-review ko lang. Pero mamaya p’wede ko bang hiramin yung notes mo para makopya ko?” Pagpapaalam nito sa kanya.
“Glenn, here, oh. Naka-review na kami, if you want, you can copy here na lang.” Maarteng singit ni Angelica at kulang na lang ay ipaduldulan ang sariling notebook sa binata.
Bahagyang tumaas ang kilay niya sa ginawa ni Angelica pati na rin sa pag-I-english nito.
Para kasi itong si Kris Aquino na sampung beses ang twang.
Paano ka natapos, eh, ni hindi ka nga nagbasa? Gusto
sana niyang itanong dito pero piniling tumahimik na lang.
“Thank you pero nahiram ko na kasi ‘yung kay Juliette,” apologetic ang boses nito at sinamahan pa ng isang matamis na ngiti. Halatang-halata namang kinilig ang mga ito.
Ngayong wala nang mapapagkaabalahang basahin ay nagmasid-masid na lang siya sa labas ng classroom.
“Ang ganda naman ng penmanship mo.” Narinig niyang puri nito sa sulat niya.
“Ha?”
“Ang sabi ko ang ganda ng handwriting mo.” Ulit nito sa pagpuri sa kanya. Pero nang bumaling siya rito ay hindi naman sa notebook ito naka-tinggin kundi sa mukha niya.
“Thank you.” Namumulang pasasalamat niya. Hindi siya sanay ng binibigyan ng atensiyon, sanay siyang hindi napapansin unless na may kinalamaan iyon sa academic standing niya.
“P’wede bang maiuwi ang notebook mo kapag wala tayong assignment ngayon?”
“Bakit naman?” Imposibleng walang notes ito dahil nakikita niyang masipag itong kumopya ng mga lectures nila.
“Marami kasi akong na-miss na important notes at hindi ko naisulat. Kumpleto sa detalye itong notes mo.”
“Sige. Hindi naman siguro magbibigay ng assignment si Ma’am. Kakabigay niya lang ng exam, eh.”
Iniiwas agad niya ang pansin sa binata.
Para kasing may nagririgodon sa dibdib niya sa tuwing magtatama ang mga mata nila. Parang siyang hinihipnotismo ng abuhing mga mata nito. Muli, inabala na lamang niya ang sarili sa pagtinggin sa mga estudyanteng nagdadaan sa hallway nila. Maya-maya pa ay nagmamadali nang nagsipulasan ang ilan niyang kaklaseng nasa labas hudyat na dumating na ang teacher nila.
Pagpasok nito ay agad silang pinakuha ng papel para makapagsimula na ang kanilang exam.
Gaya ng inaasahan siya ang pinakamataas at ang ikinagulat ng marami ay ang binata ang nakakuha ng ikalawang pinakamataas na grade. Nagpalakpakan pa ang mga kaklase niya sa pangunguna ng kikay girls. Bumaling ito sa kanya ang binata at ngumiti. Nagkibit-balikat lang siya at at lumabas na para mag-recess. Pilit niyang inignora ang pagta-tumbling ng puso niya.
“Thank you sa notes mo ha,” mula sa kung saan ay sumulpot si Glenn dala-dala ang tray ng pagkain.
“Mukha namang nakinig ka ‘don sa last lecture ni Ma’am kaya kahit wala yung notes ko kayang-kaya mo ang exam.” Hindi pa rin nito inilalapag ang dala kaya siya na ang nagkusang isenyas ang katabing silya.
Umupo naman ito at inalapag ang sariling tray. “Pero malaking bagay pa rin yung pagpapahiram mo.”
Tanging ngiti lang isinagot niya rito at ipinagpatuloy na ang pagkain.
“Here,” inilapag nito sa harap niya ang isang baso ng orange juice at sandwich. “Para sa ‘yo talaga ‘yan.”
“Nakabili na ako ng para sa akin.” Pagtanggi niya. Mukhang hindi na niya maibabalik pa rito ang pagkain dahil bakas dito na desidido itong ibigay iyon sa kanya.
“Treat ko ‘yan. Accept it as my thank you token.” Pagpapaliwanag nito, marahil ay para hindi na siya magpilit pang ibalik iyon.
“Nakapag-thank you ka na. Okay na ‘yun.”
Nagkibit-balikat lang ito at masiglang nagsimulang kumain. Napapansin niyang mangilan-ngilan sa estudyanteng naroroon ay napapatinggin sa direksiyon nila. Sino ba naman kasi ang hindi magtataka, ang isang campus heartthrob kasama ang isang nobody na kagaya niya. Napabuntong-hininga na lang siya.
“Bakit nga pala nag-iisa kang mag-recess?”
“Absent si Shalmai kaya no choice ako kundi mag-recess mag-isa.” Si Shalmai ang best friend niya at ang kasa-kasama niya simula pa ng kinder.
“Buti absent siya. At least nagkaroon ako ng pagkakataong makausap at makasabay ka sa pagkain.”
Banat nito sa pagitan ng masiglang pagkain.
Nagtaka siya sa sinabi nito.
“Bakit naman? Makakausap mo ako kahit kasama ko si Shalmai. Hindi naman nangangagat ang isang ‘yon, mukha lang.” Malamang nga kiligin pa ang isang iyon. Bulong ng isip niya.
“
Para kasing ang hirap pumasok sa mundo n’yo kapag nagkwekwentuhan na kayong dalawa. Close na close kayo.”
“Hindi naman. Akala lang kasi ng ibang tao suplada si Shalmai palibhasa kasi masyado ‘yung prangka. Since kindergarten siya na ang kasama ko kaya halos magkabuhol na ang bituka naming dalawa.” Paliwanag niya.
“Ah, kaya pala.” Mabilis nitong naubos ang sariling pagkain samantalang mas nauna siyang nagsimula rito.
“Masyado yata akong maraming sinabi.” Puna niya sa sarili.
“No, no. Mabilis talaga akong kumain. Buti nga hindi ako mabilis tumaba.” Muling lumabas ang dimple nito sa pagkakangiti sa kanya. Damn that smile!
Medyo binilisan niya ang pagkain dahil malapit na ring matapos ang breaktime nila. Hindi na niya mauubos pa ang sandwich na bigay nito kaya ang juice na lang ang pinilit niyang ubusin.
“Ibaon mo na ‘yung sandwich. Sayang naman kung iiwan natin.”
Tumango siya at kinuha ang baso ng orange juice para ibalik sa counter.
“Ako na.” Mabilis nitong hinawakan ang baso para hindi na siya maka-anggal pa. Hindi sinasadyang magdaop ang kanilang mga palad. Ewan niya kung guni-guni lang niya o totoong tila may kuryenteng nanulay sa mga palad niya.
Agad siyang bumitiw dito at nagsimulang sinupin ang ibang kalat sa mesa nila. Nabaling ang atensyon niya sa tinapay na bigay nito. Napangiti siya at hinati niya iyon. Inabot niya rito ang kaputol.
“Here, para fair. Meron ka, meron din ako.”
“Wow! Thanks.” Ngiting-ngiti na tinggap nito ang sandwich at sinabayan siya sa paglakad palabas ng canteen.
“Julie, may dapat ba akong malaman, hmmm?” Bungad ni Shalmai sa kanya. Hindi pa man nito nailalapag ang gamit ay umaariba na agad ang pagkatsismosa nito.
“Anong dapat mong malaman?” Balik niyang tanong.
“
Aba, malay ko sa ‘yo. Kaya nga nagtatanong ako. Magtatanong pa ba ako kung alam ko. Absent kaya ako kahapon.”
Napaisip siya kung anong mga nangyari habang wala ito. Pero kahit anong piga ang gawin niya sa brain cells niya ay wala talaga siyang maisip.
“Highest ako sa exam kahapon?” Alanganing tanong niya.
Sumimangot ito at inilabas ang librong ilang dekada na yata nitong hiniram.
“Walang bago ‘don. Baka kung sinabi mong lowest ka mag-tumbling pa ako mula rito hanggang doon sa bahay namin.”
“Eh, iyon lang ang alam kong nangyari kahapon na dapat kong I-kwento.” Clueless siya sa kung anong sinasabi nito. Basta talaga sa chismis mabilis ito.
“Balita ko kinausap ka raw ni Mr. Dimples.” Kinikilig na sabi nito with matching pasimpleng tulak sa kanya. Si Glenn ang tinutukoy nito. Binansagan nito ng Mr. Dimples ang binata dahil sa attractive nitong dimples kapag ngumingiti. And she proved how that smile can work.
“Ah, yun ba? Nanghiram siya ng notes.”
“ Iyon lang?” Sabi nito sa malakas na tinig. Halatang disappointed ito sa nalaman.
“Opo, ‘yon lang at wala ng iba.”
“Nakakainis naman. Super excited pa naman ako kasi nagkausap kayo tapos iyon lang ang iki-kwento mo. Nanghiram siya ng notes.” Ginaya pa nito ang tono niya.
Natawa siya sa reaksiyon nito. “Anong gusto mo I-kwento sa ‘yo? Iyon lang naman talaga ang nangyari kahapon.”
“Ang corny talaga ng buhay mo. Diyan ka na nga, mamaya na tayo ulit mag-usap. I have to keep myself up to date.” Iniwan siya nito at nagpunta na sa sariling upuan. Sanay na siya sa kaibigan, hindi sila yung tipong minu-minuto ay magka-usap at magkasama. Pero kahit anong mangyari ay ito ang karamay at kakampi niya.
“Good morning, Glenn.” Sabay-sabay na bati ng grupo ni Angelica sa kadadating lang na binata. Tatalunin ng mga ito ang Charlie’s Angel sa taas ng timbre ng boses.
“Morning,” simpleng sagot ng binata. Naramdaman niyang umupo na ito sa katabing upuan. “Hey, good morning.” Nakangiting bati nito sa kanya.
“Good morning.”
“Eto nga pala yung notebook mo. Thank you ulit.” Iniabot nito sa kanya ang kwaderno.
“Welcome.” Pagkalagay sa bag ay ibinalik niya ang atensiyon sa pagbabasa.
“Hmm, Arabian Nights? I love the princess there. She’s smart and witty.”
“Nabasa mo na rin ito?” Bakas sa mukha niya ang pagka-mangha. Sa kanilang klase mabibilang lang ang mga nagugustuhan ang classical novel. Mas in kasi sa mga ito kung ano ang usong magazine at kung anu-ano pang fashion stuff which is hindi naman siya interesado.
“Yep. Isa sa mga paborito ko.”
“Talaga? Wala sa itsura mo ang magbabasa ng mga classics.” Itinaas pa niya ang libro.
“Bakit masama ba ang image ko sa ‘yo?” alangang tanong nito. She hinted a doubt to his tone.
Napipilan siya sa itinanong nito. Paano naman niya sasabihin dito na ito na yata ang nagtataglay ng pinakamaamong mukha na nakita niya? Sa murang edad ay bakas na ang angkin nitong karisma. Idagdag pa ngang may sinabi ito sa buhay.
“Anong itsura ko?” muling tanong nito sa kanya. Mula sa sulok ng kanyang mga mata at pansin niyang kulang na lang ay umabot sa kisame ang kilay ng alipores ni Angelica. Hindi pa ma-decipher ng utak niya ang dapat na isagot niya ng tumunog ang bell. Hudyat ng unang klase nila.
Thank you, Lord. Saved by the bell siya.
“Nakita ko ‘yon.” Panunukso ni Shalmai. Kasalukuyan silang nakapila para magbayad ng binili sa canteen. “Kunwari ka pa. Kinikilig ka rin, aminin mo na.
Para naman tayong hindi best friends niyan. Kausap mo siya.” Alam na niya agad ang pagtukoy nito sa binata.
“Natural katabi ko ‘yong tao. Saka I-sinoli lang po niya yung notebook ko na hiniram niya, maliwanag.”
“Parang hindi mo kilala ‘yang si Mr. Dimples, hindi basta-basta lalapit sa iyo ang isang ‘yon at basta ka na lang kakausapin ng walang dahilan.”
“Meron nga,” itinaas niya ang notebook sa harap nito at iwinagayway. “Heto nga po ang dahilan at wala nang iba pa.”
Mula sa pahina ng notebook niya ay lumaglag ang isang nakatuping bond paper.
“Hoy, ano ‘yan, ha? Pa-share naman.” Inagaw nito sa mga kamay niya ang ‘di pa nabubuksang bond paper.
“Hindi ka rin atat, ano. Sabihin mo na sa ‘kin kung ano ‘yan, ha. At least kung anthrax iyan ikaw ang unang biktima.”
“Naks, naman, Julie. Bakit parang ang ganda-ganda mo rito.”
Iniharap nito ang papel sa kanya. Napaawang ang labi niya sa tumambad sa kanyang harapan. Siya ang nakaguhit sa papel. Kopyang-kopya ang mukha niya without her eyeglasses on. Nakahalumbaba siya sa larawan at nakatanaw sa malayo.
“Sinong may gawa niyan?” Maang na tanong niya sa kaibigan.
“Malay ko. Notebook mo kaya ito.” Kinuha muli nito ang papel at pinakatitigang mabuti.
“GJP.” Itinuro nito ang signature sa ilalim ng drawing. “Oh, my God! Si Glenn ang nag-drawing. Ang swerte-swerte mo naman, sister!” Nagtatalon ito at inaalog alog siya.
Ipinagpag niya ang kamay nitong umaalog sa katinuan niya. “Si Glenn?”
“Siya ang huling humiram ng notes mo at saka tingnan mo GJP. Ibig sabihin Glenn Josua Powell. Kinikilig ako, sister. I’m gonna faint now na.”
“Sira. Assuming ka. Hindi pa nga tayo sigurado nasa kanya nga galing ito kinikilig ka na agad diyan.”
Uminom muna ang kaibigan ng softdrinks bago muling nagsalita.
“Ewan ko sa’yo. Basta ako, I smell love in the air.”
“Love? Ang bata-bata pa natin love na agad. Ubusin mo na ‘yan at nang makauwi na tayo.” Pinasadahan muli niya ng tinggin ang drawing bago muling isinipit iyon sa notebook at sumilip sa labas ng canteen.