Tuya Siempre
by Hope Shardae
Chapter Five
Manila.
Titig na titig si Juliette sa painting na kasama sa set ng play nila. May kung ano sa painting na iyon ang agad na nakatawag sa pansin niya. Pigura iyon ng nakatalikod na babae, nakatanaw iyon sa kalawakan. Kung siya ang tatanungin ay para iyong tumatanaw sa nakaraan. The painter used brown, gray, dark violet, and mostly dark colors. Malulungkot ang kulay iyon kaya siguro ganon na lamang ang nararamdaman niya.
“Ang lungkot ng painting na ‘yan, ‘no.” Mula sa kung saan ay sumulpot ang direktor nila. Nakatingin din ito sa painting. Kasalukuyan siyang Stage Manager ng isang theatre company.
“Pansin mo rin, direk.”
“Ay, hindi lang pansin kundi feel na feel ko rin ang angst na nararamdaman ng painter. Kaya nga pinilit ko ang set designer natin na isama ‘yan sa set. Nakita ko ‘yan mismo sa gallery niya sa
L.A.”
“Isa pa ‘yan, direk. Masyadong misteryoso ang designer nating iyan. Sa e-mail ko lang siya nakaka-usap. Hindi pa nga nagsasabi ng pangalan. Saan n’yo po ba siya nakilala?” Halos maloka siya sa pakikipag-communicate sa naturang set designer. Siya ang coordinator sa pagitan nito, ng director at ng set executor nila. At sa mga panahong hindi nito ma-tripan ang mga pictures ng kabuuang set, siya ang dumudugo ang ilong kakapaliwanag dito.
“Nakilala ko siya sa mismong exhibit sa
L.A. And you wouldn’t believe it, parang magic nag-click agad sa isip ko ang play na ito. At siya ang feel na feel kong designer because of his works, aside from the fact na hunk siya,” kinikilig na k’wento nito.
“Hindi ka naman nagkamali, direk. Achieve na achieve ang sad atmosphere na gusto mo.” Nagsimula na siyang kumilos para sinupin ang mga ginamit nila sa rehearsal. Bilang stage manager kailangan tiyakin niyang nasa maayos ang lahat hanggang sa kaliit-liitang detalye. Kaya siya ang unang dumadating sa set nila at huli ring umaalis.
“Hay, naiisip ko naman si Josua, dear.” Buntong-hininga nito.
“May kung anong kaba ang sumagi sa kanya pagkabanggit sa pangalan. Sabagay kapag yata may koneksiyon sa dati niyang kasintahan ay hindi niya maiwasang maisip ito.
“Pa’no, Julie. Mauna na ako. May masasakyan ka pa ba?” Alam nitong tamad siyang magdala ng kotse dahil madalas ay wala na siyang energy para mag-drive.
“Ayos lang po ako. Magta-taxi na lang ako.” Inilagay niya ang ilang cups na ginamit sa isang box.
“Sigurado ka? Maligawin ka pa naman.” Biro nito sa kanya. Nang minsan kasing magka-meeting sila ay na-late siya dahil naligaw siya kaya lagi siya nitong binibirong maligawin siya.
“Sigurado po.”
Matapos magligpit ng ibang gamit ay umalis na rin siya. Bukas ang first show nila kaya kailangan na niyang maagang pumasok. Lalabas na
sana siya ng venue ng biglang bumuhos ang malakas na ulan.
“Ma’am, wala po kayong payong.” Mabait na tanong ng guard sa kanya.
“Wala, eh.” May payong sa opisina nila pero natatamad na siyang bumalik pa para lang kuhanin iyon. “Hihintayin ko na lang humina ng onti.”
Kinuha nito ang payong sa tabi at ibinigay sa kanya. “Eto muna po ang gamitin ninyo. Magta-taxi po ba kayo?”
“Naku, salamat po.” Tinanggap niya ang payong. “Sa may seven eleven na lang po ako maghihintay ng taxi, medyo gutom na rin po ako, eh.” Binuksan na niya ang payong at nagpaalam na sa guwardiya. Nasa kalagitnaan pa lang siya ng kanyang nilalakad ng bumaliktad ang dala niyang payong. Hindi niya alam kung anong gagawin, nagsisimula na siyang mabasa pati na rin ang gamit na dala niya.
“Oh, God.” Hindi niya alam kung babalik ba siya o tatakbuhin na lang hanggang sa seven eleven tutal naman ay basa na siya. Abala pa sa pagme-mental note ang isip niya ng parang walang bukas kung makabusina ang kotseng nasa likod niya. “Ay, naku, manong kung gusto mo lumpipad ka. Nasa tabi na ako, ha. OA ka na.” Inis na itinupi na lang niya ang paying at hinayaang mabasa ng ulan ang sarili.
Mula sa kanyang tagiliran ay huminto ang kotse at bumukas ang pinto noon. Bigla siyang kinabahan.
Lord, huwag naman po sanang masamang tao ito. Piping dasal niya.
“Get in.” Mariing utos sa kanya ng may-ari ng kotse.
Daig pa niya ang tinamaan ng kidlat ng marinig ang boses na iyon. She longed for that voice for so many years. Gusto niyang samapalin ang sarili kung totoo ba ang naririnig. Mula sa pinto ng kotse ay agad na hinanap ng kanyang mga mata ang may-ari ng tinig na iyon.
“Glenn.” Aniya sa mababang boses.
“What? Sasakay ka ba o magpapakabasa na lang?” May bahid ng pagka-inip ang boses nito.
Dali-dali na siyang pumasok sa loob ng kotse. Hindi pa rin niya maalis ang mga mata sa binata. Nag-mature na ang ayos nito, bakas na ang awtoridad sa boses at anyo nito. Lumaki ang katawan nito, nag-mature ang mukha. At kung mayroong isang bagay man ang kapansin-pansing nagbago dito, iyon ay lalong naging kaakit-akit ito sa paningin niya.
“Tuyuin mo ang sarili mo.” Walang lingong inabot nito sa kanya ang isang malinis na tuwalya.
“Salamat.”
“Saan kita ihahatid?” Blangko ang ekspresyon nito. Wala na ang lambing sa boses na kinasanayan niya.
“Paki-baba na lang ako sa EDSA. Sa may Heritage.”
“
Doon ka ba nakatira?” Sarkastiko ang tinig nito. Kung dati ay parang musika ang mga katagang namumutawi sa mga labi nito ngayon naman ay tila patalim na iyong humihiwa sa kanyang pagkatao. Kasalanan mo ‘yan, Juliette. You have to bear it.
“Magbu-bus na ako pagdating ko sa Heritage.” Paliwanag niya.
“Pinasakay na kita at nabasa na rin ang kotse kaya might as well sabihin mo na kung saan kita ihahatid.” His voice is as cold as ice.
Gusto nang tumulo ng mga luha niya sa pagtrato ng binata sa kanya pero sinaway niya ang sarili at nagpakatatag. Alam niya kung bakit ganoon ang binata sa kanya. “Sa Boni ako.
Dansalan
Gardens.”
Hindi na ito muli pang nag-salita maliban sa panaka-naka nitong pagtatanong ng mas madaling daan. Huminto ito sa may gate ng
Dansalan
Gardens. Nagulat siya nang bumababa ito at ipagbukas siya nito ng pinto at pinayungan.
Kinuha niya ang gamit at bumaba na. “Maraming salamat.”
Tumango lang ito at sumakay na. Ni hindi man lang ito lumingon sa kanya.
Pagkapasok niya sa condo niya ay napapagod siyang napasandal sa pinto. Makalipas ang pitong taon ay hindi niya akalaing malakas pa rin ang epekto sa kanya ng binata. Pitong taon na ang mabilis na nakalipas mula ng magkahiwalay sila ng landas o mas tamang sabihing siya ang humiwalay. Napakatagal na panahon para sa kanya, hindi iilang beses na nagtangka siyang kontakin ang binata pero kailangan niyang panindigan ang desisyon para na rin dito.
Pagkagaling niya sa Maynila ng araw na kasama ito ay nabuo ang pasya niyang makipag-hiwalay dito. Tamang-tama namang biglang sumulpot ang ama niya, nagpaliwanag ito sa kanyang ina at isinasama silang mag-ina upang magsimula muli and the rest was history. Tiyak niyang galit ito sa kanya dahil sa pag-alis niya ng walang paalam.
“Pero para rin sa ‘yo kung bakit ako lumayo, Glenn.”
Alas-onse pa lang ay nasa CCP na siya, alas-tres ang first show nila at alas-dose pa ang call time nila. Kaya lang gusto niyang maayos na ang lahat bago pa mag-call time. Mahaba pa ang natitira niyang oras kaya pinili na muna niyang magpahinga. Naupo siya sa pinaka-unahang bahagi ng upuan at muling pinakatitigan ang painting. Bigla siyang natigalgal ng makita ang lagda sa ibaba niyon. Lumapit pa siya upang masigurong hindi siya nagkakamali sa pagbasa.
It was simply signed with three letters yet that three letters made her heart leaped out.
“GJP?” Basa niya. Maka-ilang ulit pa niyang binasa iyon upang masiguradong hindi siya nagkakamali.
Muling bumaha sa kanyang alaala ang drawing na ibinigay noon ni Glenn. Like this painting it was simply signed this way. Three letters. No, it can’t be. Maari kayang si Glenn at Josua na designer namin ay iisa?
Isa lang ang paraan para makumpirma niya ang hinala. She had to meet Josua.
“Rachel, dumating na si direk?” Tanong niya sa assistant stage manager niya.
“Nasa dressing room, nagpapa-beauty. Aligaga ang lola mo.” Bulong nito.
Napa-kunot noo naman siya. “Bakit?”
Kilala niyang hindi nerbiyosong tao ang direktor nila. Bakit bigla-bigla itong magiging aligaga?
“Dumating ‘yung set designer natin. Ay, naku, bakla, super pogi. Natural lang na ganyan kaganda ang set natin guwapo ang gumawa.”
“Dumating si Sir Josua? Yung designer?” Pag-uulit niya.
“Oo nga. Nakikinig ka ba?”
“Ah, sige. Salamat. Pupuntahan ko na si direk.” Tiyak ang mga hakbang niya papuntang dressing room. Pero hindi pa man niya natatanawan ang pinto ng dressing room ay may tumawag na sa kanya. Mamaya na nga lang si Josua.
Natapos ang unang show nila sa isang masigabong palakpakan. Namataan niyang umakyat ng entablado ang direktor nila, dahil sa bukas na ang house lights, malinaw na niyang napagmamasdan ang mga nanonood sa audience area. Isang pigura ang nagpahinto sa pag-inog ng kanyang mundo, literally and figuratively.
“Glenn.” Bulong niya. It was the man she loved standing on the front row clapping his hands.
“Ma’am, cue niyo na po.” Untag sa kanya ng tao sa board. Natataranta niyang binasa ang list of sponsors nila at mga taong dapat pasalamatan. Halos liparin na niya ang pagbaba maabutan lang ang binata.
“Jules, congratulations!” Unang sumalubong sa kanya si Shalmai bago pa man marating ang kinaroroonan ni Glenn. “Ang ganda ng show ninyo. Nasaan si direk? Gusto ko siyang sabunutan, pina-iyak niya ako ng bonggang-bongga.”
Sandaling nakalimutan niya ang hinahanap dahil sa sinabi nito. Magkaibigan ito at ang direktor niya. Si Shalmai ang naging daan para makilala niya ang mundo ng teatro. Nang mag-transfer siya sa school nito ay kumuha siya ng kursong Journalism at dahil sa pang-eenganyo nitong sumali siya sa resident theater group doon ay napilitan siya. But in the end, she couldn’t help but love the theater with all her heart.
“Hinahanap ko nga rin siya, eh.” Palusot niya. “Halika tingnan natin doon.”
Lumusot sila sa karamihan ng tao para makita ang hinahanap.
“Kaya pala nagawa mong iwan ang pagiging segment writer, ang ganda-ganda ng play na ito. Parang gusto ko na ring mag-teatro na lang, nakaka-miss ang adrenaline rush.” Dati siyang writer sa isang TV station, samantlang si Shalmai naman ay segment producer. Pero nang may nag-offer sa kanyang maging Stage Manager sa theatre company ay dali-dali niya iyong tinanggaap.
“Sige bukas mag-resign ka na rin.
Para naman dalawa tayong ngarag.”
“Ay, huwag na lang pala.” Maarteng tanggi nito.
Muli siyang natawa sa hirit nito. “Kaya naman pala nawawala si dierk. Ayun, may kausap na mga boylet.”
“Ate Jules?” She heard that voice before. At bago pa siya nakahuma ay yakap-yakap na siya ni Shelley.
“Ate Jules!” Mukhang hindi pa rin ito nagbabago, weird pa rin itong manamit. Rock naman ang style nito ngayon.
“Julie, dear. Meet our designer, Mr. Glenn Josua Powell.” Pakilala ng director nila. “Josua, this is Juliette, my very efficient stage manager.”
Glenn just simply smiled and nodded at her very briefly.
“Maganda ang design mo.” Puri niya para lang may masabi siya. Pakiramdam niya ay nasa lalamunan na niya ang puso dahil sa sobrang kaba. Kanina lang ay gusto niya itong maka-usap, ngayong kaharap na niya ito ay parang nalulon na yata niya ang dila.
“Salamat.”
“Ano ba naman ‘yan, Kuya. Pinuri na nga ni Ate Jules ang design mo, para ka pa ring tuod diyan.” Binalingan siya ni Shelley. “Ate Jules, sama ka sa bahay. Na-miss kita, marami akong iki-k’wento sa ‘yo.” Hindi pa rin ito bumibitaw sa kanya. Samantalang si Shalmai naman ay hindi agad nakapagsallita sa pagkabigla.
“Ah, eh, may kailangan pa akong gawin. Saka baka may pupuntahan pa kayo ng Kuya mo, nakakahiya naman.”
“Uuwi na kami after this. Mommy would definitely love to see you. Wala na kaming balita sa ‘yo after you ang Kuya broke up.” Kagaya ni Shalmai walang preno rin ito kahit kailan.
Narinig niya ang pagsinghap ng direktor dahil sa narinig. Pasimpleng sinulyapan niya ang binata kung magagalit ito pero nanatiling blanko ang ekspresyon nito.
“Some other time na lang may show pa kami bukas.” Muli niyang tanggi.
“Sumama ka na. Hihintayin ka na namin. Hindi ako titigilan niyan hanggat hindi ka namin kasama.” Wika ni Glenn.
“O, ‘yun naman pala, Julie. You can go na after ng company meeting natin mamaya.” Pagbibigay ng permiso ng director nila at sinabayan pa iyon ng pilyong kindat. “Ikaw, Shalmai, sumabay ka na lang sa akin.”
“Sure, direk. Manlilibre ka ha.” Biro ni Shalmai. Kitang-kita niya ang lihim na palitan ng tinggin ng dalawa. Tiyak na siya ang pagtsi-tsismisan ng dalawang ito.
Habang biyahe ay walang tigil si Shelley sa pagsasalita. Natutuwa naman siya dahil wala pa ring nagbago kung ano ito dati. Laking pasasalamat na lamang niya at hindi ito galit sa kanya matapos ng ginawa niyang pang-iiwan sa Kuya nito pitong taon na ang nakalilipas. Kung madaldal si Shelley tahimik lang si Glenn. Magsasalita lamang ito kung tatanungin ni Shelley. Huminto sila sa isang puting mansion, minsan na siyang nakarating doon at hindi pa rin niya maiwasang hindi humanga sa laki noon. Bubuksan na
sana niya ang pinto ng kusa iyong bumukas at ang palad ng binata ang naghihintay sa kanya. Tinanggap niya ang palad nito. Sa pagkakadaop ng kanilang mga palad ay tila libu-libong boltahe ang nanalaytay sa kanya. It made her shiver a little. Napatingin siya sa binata at huling-huli niyang titig na titig ito sa kanya. How she wish they could stay like this forever. Sapat na sa kanya ang titig nito.
“Mom! Dad!” Tili ni Shelley. Nawala ang mahikang kanina lang ay pinagsasaluhan nilang dalawa. “Tingnan ninyo kung sinong kasama namin ni Kuya!”
Humahangos na naunang lumabas ang ginang kasunod ang esposo nito.
“Shelley, sigaw ka nang sigaw diyan. Sino bang--” Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil sa kanya. Nahihiyang ngumiti siya sa mga ito at nagbigay galang.
“Jules? Oh, my God! Ramiro, look who’s here.” Nahawa ito sa taas ng energy ni Shelley.
Niyakap siya ng mag-asawa. Pakiramdam niya ay isa siyang prodigal daughter who finally returned home.
“Glenn, hijo, bakit hindi ka man lang nagpasabi na kasama ninyo pala si Jules.
Sana nakapagpahanda ako ng mga paborito niya.” Inakay na siya ng ginang paapasok sa loob ng bahay. Nasa kanan niya si Shelley at sa kaliwa naman ang ginang.
“Glenn, ano pang itinatayo-tayo mo diyan. Aba’y halika na sa loob. Baka nagugutom na itong si Juliette.” Saka pa lang tumalima ang binata at sumunod sa kanila.
Walang nagbago sa init ng pagtanggap ng mga ito sa kanya. Siya pa nga ang nahihiya sa mga ito. Matapos nilang kumain ay hindi pa rin siya tinatantanan ni Shelley. Hindi matapos-tapos ang mga k’wento nito, parang buong college life na yata ang na-ik’wento nito sa kanya.
“Ate Jules, may itatanong
sana ako sa ‘yo. Huwag kang magagalit ha. Curious lang talaga ako.” Kasalukyan silang nasa gilid ng pool ng mga ito. Parehong nakadawdaw sa tubig ang mga binti nila.
“Bakit naman ako magagalit? Ano ba iyon?”
“Bakit mo iniwan si Kuya?” Mahinahong tanong nito sa kanya.
Napabuntong-hininga siya. Shelley deserves to know the truth. Wala itong ipinakitang masama sa kanya sa kabila ng mga nangyari. Kung sa iba-iba iyon ay galit dapat ang pamilya nito sa kanya.
“Kailangan kong gawin iyon, Shells.
Para na rin sa Kuya mo.” Malungkot niyang pinagmamasdan ang pagsasayaw ng tubig sa pool. “Kung kaming dalawa pa rin baka hindi niya magawa ang mga gusto niya sa buhay. Gusto kong maibigay ang pangarap niya, hindi niya iyon magagawa kung palagi na lang niya akong isinisaalang-alang.”
Titig na titig ito sa kanya. “Pero p’wede niyang abutin ang mga pangarap niya ng magkasama kayo.”
“Paano ko ba ipapaliwanag? Basta medyo kumplikado ang sitwasyon nung mga panahong iyon.”
“Sige na nga, palalagpasin kita ngayon. Eh, Ate Jules, nagka-boyfriend ka ba ulit?”
“Shelley!” Gulat na gulat siya sa tanong nito. Paano naman siya makakapag-boyfriend kung ang sa puso niya ay si Glenn pa rin ang ang laman. Kahit yata I-blindfold niya ang kanyang mga mata ay si Glenn pa rin ang nakikita nito.
“What?” Tatawa-tawa ito. “Don’t tell me, wala.”
Umiling lang siya bilang sagot dito.
“Oh, my God! Seriously? Kahit fling lang?”
Gusto niyang batukan ang sarili. Ganon na ba akong ka-martir? Palaging naikukumpara niya ang mga manliligaw kay Glenn noon kaya ang kinalabasan ang mga ito rin ang nagsawa ng kakasuyo sa kanya. Tila hindi na napigilan ni Shelley ang pagtawa at napahalakhak na. “Shelley, ha. Ilublob kaya kita dito sa pool.”
“So, may pag-asa pang maging sister-in-law kita.” Tudyo nito.
“Sira.
Malabo na, Shells. Galit sa akin ang Kuya mo.” Ayaw niyang umasang may ikalawa pang pagkakataon ang pagmamahalan nilang dalawa. All she want to do is talk to Glenn.
“Sus, kunwari lang iyang si Kuya. Maniwala kang galit ‘yun sa’yo.” Tumayo na ito at ngumiti ng pilya. “Kuya Glenn!”
“Hoy! Shelly! Anong ginagawa mo?” Hindi siya magkandatuto sa pagtayo at pag-awat dito sa pagtawag sa kapatid. At bago pa muling maka-sigaw ito ay nasa harap na nila ang binata. Nakapag-palit na ito ng damit. Nahigit niya ang hininga ng mapagmasdan ito, sa paglipas ng panahon ay lalo itong naging g’wapo.
“Kuya Glenn, pakihatid naman si Ate Jules. Nakakahiya kung magta-taxi pa siya pauwi.”
Pinandilatan niya si Shelley. Wala sa
plano niya ang ma-tensiyon buong biyahe kasama ang binata. Ngayon ngang ilang metro ang layo nilang dalawa ay hindi na niya maipaliwanag ang nararamdaman. Ano pa kaya mamaya?
“Uuwi ka na ba?” Parang napapaso siya sa mga titig nito. Pasimple niyang ibinaba ang kanyang pantalon na itinupi niya kanina para hindi mabasa.
“Ah, eh, O-Oo. Maaga pa kasi ang call time ko bukas. Pero don’t bother, mukhang nagpapahinga ka na. Kaya ko naman ang sarili ko.”
“Mahirap sumakay ng taxi rito. Ihahatid na kita.”
Wala siyang nagawa kundi ang tumango rito. Pumasok ito ng bahay marahil ay para magpalit. Lumapit sa kanya si Shelley, ngiting-ngiti pa rin ito.
“Ate Jules, pagkakataon mo na ito. Kung mahal mo pa rin si Kuya, which I’m sure you do, grab this chance. Ikaw din. Hanggang ngayon pa naman aali-aligid pa rin si Angelica kay Kuya.”
“Si Angelica?”
“Yep, the one and only. Kaya kung hindi ka pa kikilos diyan tuluyan nang mauunsyami ang love life mo. At hindi ko kayang I-take na iba ang maging sister-in-law ko.”
|