Your Story Haven
Share Your Stories Online
Novels Index      ariadnemaia-moonlight01
Print this pageAdd to Favorite






 
 
 
 
 


 
Moonlight Memories
 
 
 

CHAPTER I

Tuwing bilog ang buwan, naririnig ni Greiye ang piyesang Moonlight Sonata ni Beethoven mula sa mansiyon ng Deveratura na nasa bandang itaas lamang ng kanilang tahanan.               

          Nagsimula na namang mag-iba ang pakiramdam niya na lagi niyang nararamdaman sa tuwing nakakarinig ng anumang musika. Ngunit tila may kakaiba sa narinig niyang musika sa gabing iyon—tila may galit at lungkot.

          Simula nang naipatayo ang mansiyon at lumipat sa bayan nila ang mga Deveratura ay lagi na niyang naririnig ang piyesang iyon. Gusto niyang katukin ang mga ito at maki-usap na itigil ang tugtugin dahil may kung anong naidudulot iyon sa kanya. Ngunit sa tuwing napapalingon siya sa bintana sa tabi ng kanyang kama ay hindi niya mapigilang masiyahan sa nakikita. Sa kaunting oras kasi na nakikita niyang magkasama ang mga magulang ay napapanatag ang kanyang puso. Hindi niya mapigilang mapangiti kapag nakikita niya ang mga ito mula sa veranda na kapwa nakatingala sa bilog na buwan. Nakaupo ang mga ito sa mahabang upuang rattan at nakangiting nag-uusap. Hindi niya matukoy kung ano ang pinag-uusapan ng mga ito, subalit iyong kakaibang kinang sa mga mata ng dalawa ang nakapagpapagaan ng kalooban niya.

                Sa malungkot na daloy ng tugtugin ay nagagawang pag-usapan ng mga ito ang mga bagay-bagay hinggil sa puso. Bagay na hindi niya maintindihan sa dalawa, ngunit ayos na rin iyon kaysa hindi sila magkaintindihan. Madalas kasi na mag-away ang mga ito.

                Bumuntung-hininga siya. Tiniis niya ang kinabwibwisitang tugtugin ng mga taong tiga mansiyon kung do’n rin lang magiging masaya ang mga magulang niya. Ano ba naman kasi ang isang gabi? Humiga siya at ipinaibabaw ang unan sa kanyang unan upang matakpan din ang kanyang mga tainga.

                Ano bang nasa musika? Pati siya ay nagtataka kung bakit ayaw niya sa musika. Sa tuwing nakakarinig siya ng musika ay gusto niyang tumakbo, gusto niyang magalit at nakakaramdam siya ng takot. Hindi niya maalala kung kailan siya nakaramdam ng ganoon gayong mahilig naman siyang mag-piano noong bata.

                Humigpit ang pagkakahawak niya sa unan at mariing pumikit. Takot… iyon ang nararamdaman niya—ngunit bakit? Sa tuwing naiisip niya iyon ay malalabong bahagi ng kanyang memorya ang lumalabas. Hindi niya matandaan kung nangyari ba ang mga iyon o mga panaginip lamang. Sumasakit tuloy ang kanyang ulo tuwing naiisip ang mga iyon kaya pinalis niya ang lahat sa isipan. Mawawala lang ang pokus niya sa pagtulog kung susubukan pa niyang pag-isipan at gumuhit ng kasagutan.

                Tumigil ang musika at nanahimik ang gabi, nagawa na niyang matulog sa wakas.

                “Nakatulog ka ba ng husto?” nakakunot-noong tanong ng nanay ni Greiye na si Lita sa hapagkainan. “Anong oras ka natulog?”

                “Pasado alas-dose,” inaantok na sagot niya. Ayos lang sana iyon na pagtulog kaso low blood siya kaya kailangan niya ng mas mahabang tulog, kailangan pa niyang magising ng alas sais araw-araw para maabutan ang eight thirty class niya dahil mabagal siyang gumalaw. Inaabot siya ng treinta minutos sa pagligo, treinta minutos din sa pagpapalit ng damit, minsan mas matagal pa at beinte minutos sa pagkain.

                “Kumain ka na lang, bawiin mo diyan ‘yang puyat mo.” Tumayo ito at bubuksan sana ang radyo nang biglang sumigaw siya Greiye ng huwag. Napakunot ito ng noo.

                Biglang nagising ang dugo ni Greiye. “Ma, aalis din naman ako mamaya, puwede mamaya na lang?” Sigurado kasing magpapatugtog na naman ito ng musikang klasikal na ayaw na ayaw niya.

                “Ano bang meron sa musika, Greiye? Ha?” nagtataka na rin siguro ito dahil basta sa musika ay lagi siyang lumalayo, laging umiiwas. “E dati naman gustung-gusto mo.”

                Nagkibit-balikat lamang siya.

               Maganda ang sikat ng araw nang lumabas si Greiye ng bahay patungong eskuwelahan. Nang narating niya ang sakayan ay konti pa lang ang nakasakay sa unang nakapilang jeep, dinukot niya ang cellphone mula sa bulsa ng jacket at tinignan ang oras, trenta minutos pa bago mag-alas otso. Maaga pa, aniya sa isip.

                Sumakay na siya at pagkaupo’y inilibot ang mga mata sa mga pasaheros na nakasakay. Halos araw-araw niyang nakikita ang mga kapwa pasaherp, iyong iba paminsan-minsan lang. Halos pare-parehas lang naman ang mukhang nakikita niya araw-araw sa purok three at four east ng Gibraltar sa Baguio sa tuwing lumalabas siya ng bahay, pamilyar na siya sa mga tao roon. Ngunit isang lalaki ang nakakuha ng kanyang atensiyon nang mapatingin ito sa tapat niya. Pamilyar siya ngunit wala siyang maalalang nakasalubong o nakitang mukha nito sa araw-araw na paglalakad sa lugar nila. Alam niyang nakita na niya ito minsan ngunit saan?

                Nakatitig siya rito, iniisip kung saang partikular na lugar niya ito nakita. Habang nakatitig dito ay hindi niya mapigilang mapansin ang mata nitong itim na itim, may kakaiba doon, napakamisteryoso. Tila nakahalata naman ang binata at napatingin din sa kanya.

                Nagkasalubong ang tingin nila, nagkunot-noo pa ito. Nakakahiya! Agad niyang iniiwas ang tingin at pinigilan ang pag-init ng pisngi. He saw me staring! Nang umandar ang jeep ay hindi na siya tumingin pa sa gawi nito kaya parang magkakastiff-neck siya dahil sa pagsusumikap na hindi mapatingin sa gawi nito.

                Malapit na… malapit na… paulit-ulit na sabi niya sa isip. Nang marating nila ang post office sa Session Road na nakaharap sa SM ay agad siyang bumaba at dumiretso sa Mom & Pop at doon naghintay ng jeep ng Trancoville o Aurora Hill na siyang sasakyan niya papuntang Saint Louis University.

                Dumating ang sasakyang hinihintay niya. Sabay ng pagsakay niya ay ang pagsakay rin ng lalaking iniiwasan niya.

                GATE 3, doon siya bababa. Nakaukit iyon sa malalaking letrang kulay ginto na ikinabit sa semento sa gilid ng gate patungong Perfecto building ng SLU.

                Pagdating doon ay bumaba na agad siya at siya ring binabaan ng lalaking itim na itim ang mata. Hindi na niya iyon pinansin. Kinapa niya ang bulsa kung saan inilagay ang ID—wala. Kinapkap niya ang bag—wala.

                “Sa’n na ‘yon?” bulong niya sa sarili. “Sigurado ako—” natigil ang pagsasalita niya nang biglang may tumayo sa harapan niya.

                “Greiye Lizardo,” anang mababang boses.

                Iniiangat niya ang ulo, napalundag ang puso niya sa lalaking nakatayo sa harapan niya—ang nakasabay niya sa jeep. Nakangiti ito at may iniaabot sa kanya, nang tinignan niya ang kanyang ID pala. “Nahulog mo no’ng bumaba ka.”

                Nakangiti siya pero iba ang sinasabi ng mga mata. “S—salamat,” kinuha niya ang ID at isinuot. Bago tuluyang pumasok sa gate ay yumukod siya ng kaunti sa lalaki at walang lingon-lakad na umalis.

 
 
 
 
Cover Page   Chapter 1   Chapter 2   Chapter 3   Chapter 4   Chapter 5   Chapter 6   Chapter 7
 
 
 
 
VISITORS ONLINE 
 
YSH SHOUTBOX

 
 
In Cooperation with:
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
  
    
  
 
AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
LOVE MATCH AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
 
**Contact us if you want your link included here
 
 
 
spam blocker
 
All contents of this site are copyrighted by Your Story Haven Team.  Publication for any commercial purposes, whether whole or partial, is prohibited and punishable by law.  Please contact editor@yourstoryhaven.com for any inquiries.