Chapter 16
Binaba ni Gian si Marco sa isang lumang warehouse na walang tao kundi silang dalawa lang ni Marco.
“Oh, ba’t walang tao?” tanong ni Marco, “Let me guess, susuntukin mo ako? Galit ka sa akin di ba?”
Lumapit si Gian kay Marco at sinuntok ito. Napahiga si Marco sa sahig at nagdugo ang panga nito sa lakas ng suntok ni Gian.
“Matagal ko ng gustong gawin ito sayo, Marco.” Gigil na gigil na sinabi ni Gian.
Napangiti si Marco, “Kahit suntukin mo pa ako ng ilang beses, kahit magkabalikan pa kayo ng asawa mo, di mo na maalis ang katotohanan na hindi ikaw ang lalaking nakauna sa kanya.”
Sinuntok muli ni Gian si Marco, “Hayop ka talaga! Hindi yan ang habol ko kay Cara noon. Nagagalit ako sa inyo dahil sinaktan niyo siya, alam niyo ba, hanggang ngayon ay dala pa rin niya ang trauma na iyo, di pa rin niya iyon maalis sa mga panaginip niya.”
“Gian, paano kung ikaw pala ang nasa panaginip ng asawa mo? Ikaw pala ang kinakatakutan niya? Anong gagawin mo?”
“Huwag niyo kong itulad sa inyo.”
“Natatandaan mo ba? Binalato na namin sa iyo noon yang si Cara, pero tinanggihan mo, kaya napunta sa amin.”
“Dahil hindi ko kayang manakit at manamantala ng isang babae!” sagot ni Gian.
“Kaya, sorry ka na lang.” Sagot ni Marco.
“Sorry? Kailangan ng asawa ko ang katarungan, Marco. Matagal niya ng gustong makuha yun.”
“Ano bang mas importante sa asawa mo Gian? Ang pamilya niyo o ang nakaraan niya? Kung pamilya ang importante sa kanya, hindi niya hahayaang mawasak ang pamilya niyo, kahit ikaw pa mismo ang nanggahasa sa kanya, lalabanan niya ang trauma na sinasabi mo. Hindi ka pa naaawa sa sarili mo Gian, hindi ka naman kayang ipaglaban ng asawa mo sa mga kinatatakutan niya. How sad, hanggang ngayon, ako pa rin ang naaalala ng asawa mo.”
“Hindi totoo yan!” susuntukin na
sana muli ni Gian si Marco ng magtawa ito sa kanya.
“Nakakatawa ka Gian, hindi mo siguro matanggap ang totoo. Nagseselos ka sa isang rapist na katulad ko”
Nagtimpi ng galit si Gian lumabas na lang ito ng warehouse at iniwan si Marco na nakasalampak sa sahig.
Pagkaalis ni Gian ay kinuha ni Marco ang celphone na nasa bulsa niya, “ Hello, airlines, magpapabook ako ng flight to
Australia.”
Habang nagmamaneho ay di pa rin maalis ni Gian sa isipan niya ang masasakit na mga salita na sinabi ni Marco sa kanya. Napahinto siya sa pagmamaneho at nagsimulang mag-iiyak, baka tama nga si Marco, hindi nga siya mahalaga kay Cara, dahil kung mahalaga siya rito ay lalabanan niya kung ano mang trauma ang nararamdaman niya, pero bakit di magawa iyon ni Cara. Ipinaglaban niya si Cara, at hanggang ngayon ay pinaglalaban pa rin niya ang pag-ibig niya kay Cara sa kabila ng lahat, hindi kaya unfair na ang lahat sa kanya, nagmamahal siya ng sobra-sobra pero ang taong minamahal niya, hindi kayang higitan ang pagmamahal na ibinibigay niya. Ngunit ayaw sumuko ni Gian, kahit hindi na siya mahal ni Cara, ipaglalaban pa rin niya ang pag-ibig niya rito sabi nga niya noon kahit magsimula pa siya sa zero gagawin niya mabuo lang muli ang pamilya niya. Kung hindi kaya ni Cara, siya, kakayanin niya.
“Good Morning
Alice.” Bati ni Cara sa kaibigan ng dinalaw siya nito.
“Wow! Cara, parang okey ka na ha.” Sabi ni
Alice na mapansing nakaayos ng maganda ang kaibigan at mukhang masigla at blooming.
“Wala lang. Sa tingin ko kasi kailangan kong maging masaya at kalimutan ang problema, kahit para man lang sa mga anak ko, hindi sila malungkot kahit hindi pa nakakabalik ang ama nila.” Pinaupo ni Cara ang kaibigan sa salas at tinawag niya ang maid upang ipaghanda ito ng meryenda.
“Kamusta na pala ang asawa mo?”
Bago pa magsalita si Cara ay may nagdoorbell sa kanilang pintuan, agad lumabas si Cara ng salas kasama si
Alice at namangha sila ng makita sa garden ang isang hilera ng mga limang paso na may tanim na roses na red at white, daisies na yellow and white at orchids.
“Wala ito kanina ha.” Nabanggit ni Alice, “Ang sweet naman ng may gawa nito.”
Ngumiti si Cara, “He always makes me smile.”
“Si Gian ba?”
“He always make me happy.” Sabi ni Cara habang tinitignan ang mga tanim na bulaklak sa paso.
“Gusto niyang mapunan ang mga memories mo sa kanya ng magaganda at masasaya.” Sabi ni Alice, “Ang swerte mo sa kanya, Cara.”
Napayuko si Cara, “Pero di siya naging masuwerte sa akin, nagkaroon siya ng asawa na…. Duwag.”
“Cara….”
Naluha si Cara, “Naaawa na ako sa kanya, kahit kailan di niya pinadama sa akin ang kalungkutan, puro mga magagandang memories ang ipinadama niya sa akin, ang sama ko talaga.”
“Cara, kung mahal mo ang asawa mo, maging matapang ka. Siguro kaya ginawa ng Diyos ang mga pangyayaring ito para makapagmove on ka na sa mga alaalang kinatatakutan mo. Hindi sumuko si Gian, naging matatag siya, ikaw rin dapat, maging matatag ka, harapin mo na ang lahat, para tuluyan na ring mawala ang trauma mo.”
“Kapag ba, tinanggap ko na ang lahat ng nangyari sa akin mawawala na sa panaginip ko ang mga nakaraan.”
“Posible, magiging payapa na ang isipan mo.” Sabi ni Alice, “Cara, magpakatotoo ka lang sa sarili mo, gusto mo pa rin siyang makasama di ba?”
Tumango si Cara at niyakap ang kaibigan, alam ng Diyos, kung ano ang gusto niya ang may maligayang buhay sa piling ng asawa niya at mga anak, pero pinili niya ang malungkot na buhay, ang mahiwalay sa nag-iisang minamahal dahil sa nakaraan na hanggang ngayon ay nanatili pa ring bangungot na kinatatakutan.
Inaayos ni Gian ang mga susunod niya na plano, kailangan maging maganda ito romantic, hindi niya na iniisip kung magiging way ang susunod niyang hakbang upang magkabalikan sila ng asawa, basta ang alam niya gusto niyang magpakatotoo sa sarili niya, ibibigay niya sa asawa ang pinakaromantic na alam niya dahil gusto niya itong maging masaya at kaligayahan sa kanya ang ligawan muli si Cara.
Hating gabi ngunit patuloy pa rin siyang nagbubuo ng plano, wala pa naman si Jeff, may date na naman kasi ito sa kanyang nililigawan na si Fiona, mukhang patay na patay na ang kanyang kaibigan sa babae at hindi na siya magtataka kung sa oras na sagutin na rin siya ng babae ay agad na rin niya itong yayain na magpakasal, dahil ganon ang pag-ibig minsan lang siyang tumibok ngunit kapag dumating na ang minsan na iyon tuluy-tuloy na sa dambana, katulad nila ni Cara, ilang buwan lang silang magkasintahan no’n tumuloy na agad sila sa simbahan.
Napangiti si Gian habang nag-iisip, naaalala niya ang araw na kinasal sila ni Cara, napakaganda ng kanyang asawa noon, at napakasaya naman niya noon dahil makakasama na niya ang babaeng gusto niyang makasama habang buhay. Habang lumalakad si Cara sa aisle ay naalala niya ang magagandang mga ngiti nito, Mahal ako ni Cara, Marco, nagkakamali ka sa mga sinabi mo.
Bago matulog si Cara ay sinilip niya muna ang kwarto ng dalawa niyang anak, pawang mahimbing na natutulog ang dalawang bata, kaya naman tumuloy na siya sa kanyang kwarto upang siya naman ang mamahinga.
Pahiga na siya ng
kama ng mag-ring ang celphone niya agad niyang kinuha ito at inalam kung sino ang tumatawag.
“Hi!” sabi ng boses na nasa kabilang linya.
Napangiti si Cara, familiar sa kanya ang boses na yun, boses iyon ng pinakamamahal niya “Hating gabi na nanggugulo ka pa.”
“Pwede ba tayong magkita bukas, doon sa dati nating pinagkikitaan?”
Inisip ni Cara kung anong lugar yun, “Ano ba yun?”
“Hindi mo na ba naaalala? Kung saan una kitang nakausap, kung saan tayo madalas magdate non kapag coffee break.”
Naaalala ni Cara ang lugar na iyon, “Ah doon ba.”
“Tulad ng dati ha, kapag coffee break ulit.”
“Bakit ba?”
“Basta.”
“Anong basta ka riyan? I need a reason.”
“Hay naku, makulit ka talaga, basta magkita na lang tayo bukas roon, hoy promise yan ha, walang indiyanan ha.” Pinutol na agad ni Gian ang kabilang linya.
Napag-isip si Cara, malamang ay may pag-uusapan kaming masinsinan, baka magmakaawa yun sa akin ha, pilitin akong makipagbalikan sa kanya, huh ano kayang binabalak non. Hay si Gian talaga. Sa kakaisip ay di nagtagal ay nakatulog na rin si Cara.
Kahit may ginagawa pa si Cara ay naisipan niyang ipagmamaya na ito upang makipagkita kay Gian. Nang mag-coffee break ay agad siyang nagtuloy sa coffee shop na dati nilang pinagkikitaan ni Gian. Hindi siya makapaniwala na higit sampung taon na ang nakakaraan ngunit buo pa rin ang coffee shop, bubuksan na sana niya ang pintuan nang mabasa niya ang sign nakasabit sa pintuan “Sorry, were CLOSED” nagtaka si Cara sa nabasa, hindi naman kasi holiday para magsara ang coffee shop, Ang malas naman namig ni Gian, magmimeet kami rito kung kailan closed ang coffee shop, alam kaya ni Gian na sarado ang coffee shop.
Palayo na
sana siya ng pintuan ng coffee shop ng biglang magbukas ang mga ilaw nito. Kinatok ni Cara ang pintuan, naisip niya na baka andoon ang manager o ibang empleyado sa loob at papakikiusapan niya na kapag dumating si Gian ay sabihin na lang na sa uwian na lang sila magkita para mag-usap. Kinatok ng kinatok ni Cara ang pintuan ngunit walang sumasagot sa kanya. Hinawakan ni Cara ang doorknob at napansin niya na hindi nakalock ang pintuan. Pinihit niya iyon at binuksan ng dahan-dahan ang pintuan, may ilaw nga at nakaligpit ang mga mesa pero may isang mesa ang may nakapatong na bouquet na tulips, katulad ng binigay sa kanya ni Gian kailan lang. Pumasok siya ng tuluyan sa coffee shop at lumapit sa mesa, pagkahawak sa bouquet at nagulat siya dahil biglang namatay ang ilaw sa buong paligid, “Oh, shet, wala namang ganyanan.” Sabi niya.
May narinig siyang tugtog na wedding march, hinanap niya ang tugtog na iyon at nakita niya na nagbukas ang T.V. sa harapan ng lamesang kinatatayuan niya. Tumambad sa kanya ang kanyang sarili sa monitor kasama ang kanyang ama na naglalakad sa aisle, siyam na taon na ang nakakaraan ng mangyari ang nakikita niya sa TV, masayang-masaya siya noon dahil makakasama niya na ang lalaking pinapangarap niya. Sa may altar ay andoon si Gian na naghihintay sa kanya, na cut ang senaryo na yun at may lumabas na salita sa screen Remember this place, I thank God he built this for us…
Sumunod na eksena ay ang pagpapalitan nila ng vows sa kanilang kasal. Kung wala ang coffee shop, sa tingin mo maikakasal tayo. Dito nagsimula ang lahat, and if I need to start all over again to have you back, I will. Sumunod naman na ipinakita ang family pictures nila. Ang gusto ko ang maalala mo sa akin ay ang magagandang mga bagay, mga bagay na magpapangiti sayo at magpapasaya sayo. At kung kailangan kong punuin ang bawat sandali ng masasayang alaala, gagawin ko at ikakatuwa kong ibigay lahat ng iyon sayo.
Napaluha sa tuwa sa napanood niya sa video, nang matapos ang palabas ay napatayo si Cara para hanapin ang asawa, hinanap niya ito sa buong coffee shop pero wala siya. Kinuha niya ang bouquet at lumabas siya ng coffee shop, tinignan niya ang parking lot, wala ron ang kotse ni Gian.
Napag-isip siya, paano bumakas ang ilaw at TV kung walang tao sa loob ng coffee shop, nilingon niya muli ang coffee shop at nakita niya ang dalawang lalaki na nag-aayos sa loob, bumalik uli siya sa loob ng coffee shop.
“Nasaan si Gian?”
Napahinto ang dalawang lalaki, “Sino pong Gian? Ma’am, inuutos lang po ng manager namin ito, humingi lang po ng pabor ang kaibigan niya.”
“Nasaan ang manager niyo?” tanong ni Cara.
Sumagot ang isang lalaki, “Am.. ma’am, kakauwi pa lang po, pinagbilin na lang po niya sa amin na ligpitin na ito.”
Napayuko si Cara, “Ah, ganon ba? Sige, pakisabi na lang sa manager niyo…. Salamat.”
“Sige po ma’am.”
Lumayo na si Cara ng may kabiguan na makita ang asawa.
Bumalik na siya sa opisina dala-dala ang bouquet napasunod ang mga ka-office mate niyang babae ng makita ang bouquet.
“Wow, ang ganda naman niyan.”
“Bigay ng asawa ko.” Sabi ni Cara.
“Ang sweet naman pala ni Attorney.” Sabi pa ng isa. “Nag-date po kayo noh.”
“Hindi nga eh.” Sabi ni Cara.
“Mahal na mahal talaga kayo ng asawa nyo ma’m. Hay,
sana ganyan din ang asawa ko.” Sabi ng isa pang babae.
Napangiti lang si Cara, alam naman niya na mahal talaga siya ni Gian, pero naiisip pa rin niya, Nasaan ka na Gian?
Mabilis na nakarating si Gian sa airport, papasok na siya ng airport na bigla siyang harangin ng mga gwardiya.
“Bossing yung plane papuntang
Australia?” tanong niya sa gwardiya.
“Ay sir, ten minutes na po ang nakaraan ng lumipad na ang eroplano na yun.” Sabi ng gwardiya.
Nanlulumong bumalik muli sa kanyang kotse si Gian, nakatakas na naman siya.
Nalaman niya kasi mula kay Jeff na bali-balita sa mga dati nilang schoolmates ang biglang pagbalik ni Marco sa
Australia na walang dahilan, pinilit niyang habulin si Marco at pigilan upang makamit na ni Cara ang hustisya pero nabigo siya. Bago niya paandarin ang kotse ay nagring ang celphone niya.
“Kamusta?” sabi niya sa kabilang linya, “Natuwa ba siya?” napangiti si Gian sa mga sumunod pang mga narinig, “Salamat, maraming salamat.”
Kahit hindi niya nahabol si Marco ay naging masaya naman siya dahil nalaman niya na natuwa si Cara sa presentation na ginawa niya.
Pagkagaling sa airport ay tumuloy siya kina Cara para tignan ang mga anak niya, sinalubong naman siya ng dalawang bata, at naglaro sila sa garden para aliwin ang mga ito. Dahil sa sobrang naaliw si Gian sa pakikipaglaro sa mga bata ay di niya namalayan na oras na ng pag-uwi ni Cara.
Sa pintuan ng garden ay nakita niya si Cara na nakatayo at nakangiting pinagmamasdan silang mag-aama.
“Mommy!” unang nakita ni Mara ang kanyang ina kaya naman yumakap agad siya rito.
Napatayo si Gian ng makita si Cara, “Hi! Na-miss ko kasi ang mga bata eh, kaya andito ako.”
Ngumiti si Cara, “Ayos lang yun, karapatan mo yun. Gian, salamat pala don sa coffee shop, na-appreciate ko yun.”
Napangiti si Gian, “Ah, yun ba, buti naman at natuwa ka, pero, Cara, si Marco, nakatakas na naman siya, gusto mo ba ipahanap ko siya sa Australia, para na rin matapos na ang paghihirap mo sa kanila.”
“Gian, tapos na ang paghihirap ko sa kanila, tinapos mo na, tinapos ng pagmamahal mo, ng pagtitiyaga mo, ng pag-iintindi mo.”
“Kaya ko naman ginagawa yun kasi alam ko sa mga nangyari yun ang maaalala mo sa akin kaya naisip ko na bakit di kaya mga good memories ang ibigay ko sayo.”
“We want you back, kailangan ka ng mga anak mo, kailangan kita kasi mahal kita.”
Nagalak si Gian sa mga narinig kaya di niya napigilan na yakapin ang asawa at nang makita ito ng dalawang bata ay nagpalakpakan sila sa tuwa.
Naging masaya ang pamilya ni Gian, pumasok na muli si Gian sa trabaho at ipinagpatuloy ang propesyon habang si Jeff naman ay tuluyan na ring nagpakasal kay Fiona. Nawalan na sila ng balita tungkol kay Marco kaya naisip ni Cara na hayaan na sila, Diyos na lang ang bahalang gumanti sa mga lalaking nanggahasa sa kanya non. Alas singko na naman at sabik na muling makauwi si Gian upang bigyan naman ng oras ang kanyang pamilya, agad siyang lumabas ng law firm dahil susunduin pa niya si Cara sa opisina nito. Papasok na
sana siya ng kotse na may isang babae na nasa edad ng bente uno ang lumapit sa kanya.
“Attorney
Medina.” Tawag sa kanya ng babae.
Napatingin si Gian sa babae, pamilyar na sa kanya ang mukhang iyon.
“Buti po attorney at naabutan ko pa kayo rito, kagaling ko lang ko po kasi sa trabaho kaya naghabol lang po talaga ako. Naaalala niyo po ba ako, walong taon na ang nakakaraan sir ng hawakan niyo yung kaso ko, ako po si Hilda, yung teenager na ni rape non.”
“Oh, gosh, I remember, dalagang- dalaga ka na ha.”
“Alam niyo attorney, titser na po ako ngayon sa isang elementary school, tinandaan ko po kasi yung mga sinabi niyo no’n sa akin na may pag-asa pa po ako kahit masalimuot yung mga nangyari sa buhay ko.”
Napangiti si Gian, “Wow, buti naman, that’s good.”
“Ay sir.” Inabot ng babae ang isang wedding invitation, ‘Attorney, ikakasal na po kasi ako sa co-teacher ko po, sana po makarating kayo, alam niyo po wala po akong itinago sa kanya, alam po niya ang mga nakaraan ko at natutuwa po ako’t natanggap niya iyon.”
“Sabi ko naman sayo di ba, may tao pa ring tatanggapin ka.” Sabi ni Gian.
“Sige po, uuwi na po ako, inabot ko lang po kasi yung invitation sa inyo, aasahan ko po ang pamilya niyo sa araw ng kasal ko.”
‘Sige, makakaasa ka, isasama ko sila” at lumayo na ang babae sa kanya.
Napangiti si Gian, hindi siya makapaniwala na may isang tao na gumanda ang buhay dahil sa mga sinabi niya no’n, alam niya, magiging masaya rin si Hilda sa lalaking pakakasalan niya, basta ba huwag silang susuko sa mga pagsubok na darating sa buhay nila. Katulad nilang mag-asawa, inulalan na ng matinding pagsubok ngunit di pa rin siya makapaniwala na nalampasan na nila iyon. Kahit ang trauma ni Cara, ang mga masasamang panaginip nito, nalampasan na rin niya at dahil dun ay wala siyang sawang aalagaan at mamahalin ang asawa.
Tinignan ni Gian ang relos niya, magfafive thirty, kailangan niya ng umalis, malamang hinihintay na siya ni Cara.