Your Story Haven
Share Your Stories Online
Novels Index      mysticfrance-amagicalsummer03
Print this pageAdd to Favorite






 
 
 
 
 


 
A Magical Summer
 
 

Chapter 3: Love is in the Air

 Maganda ng mga sumunod na araw para kay Gracie. Palaging nariyan si Miguel para sa kanya. Sa umaga ay magbabatian sila sa text messages. Kung minsan naman ay dinadalhan niya ito sa bahay nito ng almusal. Naa-appreciate naman nito ang ginagawa niya, at naa-appreciate din niya ang kabutihan nito at ang pag-aalaga nito sa kanya. Madalas siya nitong i-remind na uminom ng vitamins niya at kumain ng marami. Kapag break time ni Miguel ay hindi ito nakakalimot mag-text sa kanya. Pag-uwi nito sa hapon ay magku-kuwentuhan uli sila sa terrace niya. Kung minsan din ay may dala  itong pagkain para sa kanila. Sa gabi, kapag bumalik na ito sa kabilang bahay ay magpapadalahan uli sila ng text messages hanggang makatulog sila. Sa araw ng Linggo ay sabay silang magsisimba. Pagkatapos ay mamamasyal, o kung minsan ay manonood ng pelikula sa bahay niya, at kung minsan sa bahay nito. Kung minsan naman ay nagluluto sila ng hapunan sa bahay niya at doon kakain. Nakapasok na rin siya sa bahay nito. Kaswal lang sila. Walang halong malisya. Lahat ng mga nangyari sa kanila ni Miguel ay isinusulat niya sa diary niya araw-araw. At kung minsan, kapag wala siyang magawa ay binabasa niya ang mga isinulat. Napapa-ngiti siya sa tuwing maaalala ang mga naganap ng mga nakaraang araw. Noong nakaraang buwan ay hindi na siya nakapagsulat sa diary. Tila nagsawa siya. Ngunit ngayon ay bumalik ang sigla niya sa pagsusulat sa diary kaya’t bumili siya ng bagong diary. Nasa Athena City kasi ang orihinal na diary niya.

 

Tapos na ang pasukan nina Miguel pero nag-enroll ito sa summer classes kaya maghapon uli itong wala sa bahay. Kung minsan, buong maghapon niya itong nami-miss lalo na kapag hindi ito makapag-text dahil abala sa ospital o sa paaralan. Nanliligaw pa rin si Miguel at hindi pa rin niya ito sinasagot. Kaibigan pa rin ang turing niya rito, pero “honey” ang tawag nito sa kanya. Hindi na siya nagre-react doon.

“Hon, mawawala nga pala ako ng ilang araw,” sabi nito sa kanya habang kumakain sila sa isang restaurant, isang Linggo ng gabi. Maghapon silang namasyal matapos mag-simba.

“Ha? Bakit? Saan ka pupunta?”

 “Sa Hera City. May dadaluhan kaming seminar sa Hera Medical Center. Maaga akong aalis. Mga 5 am siguro.”

Sumama kaya ako kay Migs? Sabi niya sa sarili. Malapit lang ang pupuntahan nito sa Athena City. Bumisita kaya ako sa bahay kahit sandal lang? Kaso, tiyak niyang magtatanong si Miguel tungkol sa pamilya niya at baka malaman pa nito ang tungkol sa buong pamilya niya. Kilala pa naman ang daddy at mga kapatid niya sa Athena University at sa compound nila, kaya nag-desisyon din siya sa huli na ‘wag na lang. Sa susunod na lang niya dadalawin ang pamilya Nakadama siya ng lungkot, ngunit hindi niya iyon ipinahalata. Mami-miss na naman niya ito bukas at sa mga susunod na araw. Pagkatapos kumain ay umuwi na sila bandang alas-nuwebe ng gabi.

“Salamat. Nag-enjoy ako,” aniya bago pumasok sa gate niya.

“Ako rin. Thanks din.”

“Sige, good night. Ingat na lang bukas.”

“Sure, I will.”

“Sigurado kang seminar ang pupuntahan mo, ha? Baka mamaya may pupuntahan ka na lang na babae.”

“I have my heart and eyes just for you. Wala akong ibang babae.”

Ngumiti siya. “Sige na, gabi na.”

“Say ‘I love you’ naman before I leave. Sige ka, baka hindi ko na yang marinig sa’yo. Baka bukas wala na ako, o may mangyari sa akin.”

“’Wag ka ngang magsalita ng ganyan,” saway niya rito.

“Well, we never expected that it will happen to my Dad. Pero bigla na lang siyang nawala sa isang iglap at kinuha sa amin.”

Nakadama siya ng lungkot nang maalala ang mommy niya, ate Joan at kuya Seph. “O sige na po. I love you. Good night,” naka-ngiting sabi niya. Iyon ang pinakaunang beses na sinabi niyang mahal niya ito.

Napasigaw ito sa tuwa nang marinig iyo. “Yes!!! Yahoooo!!!”

“Psst! Ano ka ba? Ba’t ka nagsisisisgaw? Nakakahiya sa mga kapit-bahay.”

Abot-tainga ang ngiti nito. “I love you, honey!”

“Oo na nga. Sinabi ko na nga yung gusto mong marinig. Sige, good night.”

“Good night. I love you, honey,” ulit nito.

 

Maghapon na naman niyang na-miss si Miguel kahit magka-text sila nito. Apat na araw itong mawawala. Isa. Dalawa. Tatlo. Ika-apat na araw na. Alas-sais na ng gabi, wala pa ito. Ayaw naman niyang mag-text dahil baka maka-istorbo rito. Ang sabi kasi nito kanina, mga bandang alas-sais ng gabi ay nasa bahay na ito. Pero ngayon ay wala pa si Miguel.

Bigla siyang nakatanggap ng text message mula rito bandang alas-siyete ng gabi.

“Hon, don’t wait up for me anymore. Late na ako makakauwi. Birthday kasi ng isang classmate ko kaya dideretso muna ako sa kanila. Nakakahiya naman kasi na niyaya ako, tapos ‘di ako pupunta. I love you.”

Nag-reply siya rito. “It’s ok. Ingat na lang sa pag-uwi. Enjoy your date. He he J

“Wala po akong ka-date kasi si Gracie, yung gf ko, nasa bahay niya. Love you hon. Don’t forget to take your medicine.”

Natigilan siya. Talaga bang girlfriend na siya ni Miguel? “OMG! Hindi pa ito alam ni Daddy!” Paninindigan na lamang niya. Sasabihin niya sa pamilya ang tungkol kay Miguel sa takdang panahon. Tutal ay napamahal na rin naman sakanya si Miguel.  Ayaw niyang masaktan at mabigo na naman ito sa pag-ibig. Nasabi sa kanya nito ang nakaraan nito sa tatlong babae- kina Trish, Phoebe at Carla. Maging si Jodi na balak sana nitong ligawan ay ikinuwento nito sa kanya. Kahit papaano ay nagpapasalamat siya dahil isang beses lamang siyang nabigo sa pag-ibig. At tingin niya ay hindi na iyon mauulit pa dahil napakabait ni Miguel at mahal na mahal siya nito. Ipinapangako niyang hindi niya ito sasaktan.

 

Naghahanda si Gracie ng almusal nang may biglang kumatok sa pinto ng bahay niya. Kaagad niya iyong binuksan dahil nakakasiguro siya na si Miguel iyon. Si Miguel lang naman ang may ganang magbukas ng gate niya at pumasok sa bakuran.

“Hi beautiful! Good morning!” naka-ngiting bati ni Miguel pagbukas niya ng pinto.

Maluwag siyang ngumiti. “Good morning! Ang aga mo namang mangapit-bahay.”

“Na-miss ko ang mahal ko, eh. Hindi mo man lang ba ako yayakapin?”

“I missed you, too!” aniya at niyakap ito. Nang kumalas sila sa isa’t-isa ay pinatuloy niya ito. “Pasok ka. Naghahanda ako ng almusal.”

Tumuloy ito. “Hmmm… Tamang-tama, hindi pa ako nag-aalmusal,” sabi nito.

“Sabay na tayong kumain,” aniya na bumalik sa kusina. Sumunod ito sa kanya.

“Biro lang. Nag-almusal na ako, hon.”

Bahagyang lumungkot ang anyo niya.

“Pero kakain uli ako. Sasabayan kita,” sabi nito na may halong paglalambing.

“Yehey!!! Hahaha! I win!” pilyang sabi niya.

Natawa ito. “Ikaw talaga. Abusada ka, ah? Por que alam mong mahal na mahal kita…”

Natawa siya. “Pasensya ka. Mas matanda ka kaya kailangan mo akong pagbigyan.”

“Oo na, matanda na kung matanda.”

“Siguro hindi pa ako noon marunong maglakad, amoy-araw ka na, ‘no?” sabi niya habang naghahanda ng pagkain. Naka-pwesto naman ito sa may dining table.

“Excuse me… Hindi po ako amoy-araw noong bata pa ako. Malamig kaya sa Canada.”

“Ay, oo nga pala. You sepnt your childhood days in Canada.” Doon na nag-aral ng elementary si Miguel at ang mga kapatid nito at umuwi ng Pilipinas bago tumuntong ng high school si Miguel.

“Pumunta kami sa Pilipinas, thirteen years old ako. Grade two ka yata.”

“Sayang, ‘no? Hindi kaagad tayo nagkakilala noong mga bata pa tayo. Siguro noon pa sana tayo naging close.”

“Hon, mas mabuting ngayon na tayo nagkakilala. Pilyo ako noon. Baka napaiyak lang kita, hindi ka pa nagka-gusto sa akin.”

“Kunsabagay… Mas gusto ko naman ang buhay ko. Madami akong natutunan. Pero isa lang talaga ang hiling ko kung sakaling bibigyan ako ng chance na bumalik sa dati. Sana hindi namatay ang Mommy ko. Hindi namin siya nakasama ng matagal.”

Lumapit ito at inakbayan siya. “I understand how you feel. Masakit talagang mawalan ng isang ina. You know what? I love my mother so much. Naiiyak nga ako minsan kapag nakikita ko siyang pagod na pagod sa pagta-trabaho noon. Naging malungkutin din siya nang mawala ang Daddy.”

“Baliktad tayo. Ikaw nawalan ng Daddy. Ako naman, nawalan ng Mommy. Naawa din ako noon kay Dad. Tatlo kaming mga anak niya at ang babata pa namin, nadagdagan pa ng dalawa kaya grabe ang adjustment niya nang mawala si Mommy. Hindi na siya nag-asawa uli. Mahal na mahal ko ang Daddy. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung wala siya. I’m even scared of disappointing him. Sana magkakilala na kayo. Siguradong magkakasundo kayo nun.”

“ Sana nga. At sana, makilala mo na rin ang Mommy ko. Gusto kong magkakilala ang dalawang espesyal na babae sa buhay ko.”

“Malamang magkakasundo rin kayo ng Daddy. Parehas kasi kayong protective pagdating sa akin,” natatawang sabi niya habang hawak ang isang cup na ininuman niya ng kape bago pa ito dumating.

Tumingin ito sa cup. “Hon, uminom ka na naman ng kape? ‘Di ba sabi ko, hindi maganda ‘yan?” Paalala nito.

“Hindi naman ako buntis, ah?” dahilan niya.

“Buntis ka man o hindi, hindi pa rin mabuti sa katawan ng tao ang kape. May caffeine ‘yan,” paliwanag nito.

Ipinaliwanag na nito sa kanya dati ang epekto ng caffeine sa katawan ng tao. Pinayuhan siya nitong huwag ng uminom ng kape. Pero mahilig talaga siya sa kape kaya hindi niya ito sinunod. Nakita niya ang pag-aalala sa mga mata nito. Inilagay niya sa lababo ang cup at nilapitan ito. “Sorry, hon kung hindi ako nakinig sa’yo.”

Hindi ito umimik, pero hindi ito galit.

“Sorry na. Promise, hindi na mauulit.” Itinaas pa niya ang kanang kamay.

Tumingin ito sa kanya. “Promise?”

Tumango siya. “Promise.”

“Sige.” Bahagya itong ngumiti. “Hon, you should understand that it’s for your own good. I am not telling you to avoid those things just to please me, ok?”

Muli siyang tumango. “Thank you.”

 

HABANG lumilipas ang mga araw ay mas nahuhulog ang loob ni Gracie kay Miguel. Lalo niya itong minamahal at ganoon din ito sa kanya. Mas naging mapag-mahal at maalaga ito. Mas naging attached din sila sa isa’t-isa. Madalas siya nitong kunan ng picture sa camera nito. Hindi ito nagsasawa sa pictures niya. Kapag mamamasyal sila, hindi pwedeng hindi nito dala ang camera. Madami na rin silang pictures. Ang iba ay nasa kanya, at ang iba ay na kay Miguel.

 Parehas sila sa ilang mga bagay katulad ng paborito nilang singer na si Josh Groban, paboritong kanta, ang “You Raise Me Up” at “You’re Still You.” Parehas din silang mahilig sa chocolates, at parehas pa sila ng brand ng chocolate na gusto. Paborito nila ang adobo, pero mas gusto niya ang chicken, samantalang si Miguel ay mahilig sa pork. Parehas din sila ng paboritong pelikula, ang “A Walk To Remember.” Sabay nilang pinanood uli ang pelikulang iyon at muli siyang naiyak. Natawa pa nga ito sa kanya dahil ito daw, sa kakaulit ng pelikula ay hindi na gaanong nadadala sa istorya. Pero siya, hanggang ngayon ay naiiyak pa rin. Hangang-hanga siya kay Nicholas Sparks, kaya naman halos lahat ng nobela nito ay binabasa nila ng mga kapatid niya. Katunayan, una niyang napanood ang pelikula ay kasama niya ang buong pamilya. Silang tatlong babae ay naiyak sa ganda ng istorya.

“Hon, tahan na. Ikaw talaga, naluluha ka na naman. Nadadala ka na naman ng istorya,” sabi nito sa kanya habang pinapahid ang luha niya nang panoorin nila ang pelikulang “A Walk to Remember” sa bahay niya.

“Eh kasi, kawawa naman si Jamie. Ang bata-bata pa para mamatay,” sabi naman niya. “At saka, alam mo ba, nangyari ‘yan sa totoong buhay? Si Danielle Sparks siya sa totoong buhay, kapatid ni Nicholas Sparks.”

“Talaga?” tanong nito. “Fanatic ka pala talaga ni Nicholas Sparks?”

“Oo naman, kami ng mga ate ko. Madaming binili ang Daddy na pocketbooks para sa amin, lahat novels ni Nicholas Sparks. Kapag may bagong release, binibili niya kaagad para sa amin. Kada libro, tatlo ang binibili niya. Hindi pwedeng maghihiraman kami ng mga ate,” natatawang kwento niya.

“Ang gastos n’yo naman,” biro nito. “Spoiled pala ang honey ko.”

“Hindi po ako spoiled. Mabait lang talaga ang Daddy, kasi mababait din kami ng mga ate,” sabi niya. “Nahawaan din ako ng mga ate sa pagiging senti. Dati, sila lang ang mahihilig sa mga ganyang movies, sila lang ang umiiyak. But when I started to sit and watch with them, yung pagiging senti nila, parang virus na dumapo sa akin,” natatawang kwento niya. “Isa pang rason kung bakit masyado akong nadadala sa istorya, kasi parang kami ni Dad yung mag-ama sa kwento. Parehas kami ni Jamie na wala ng ina, at protective si Dad pagdating sa aming mga anak niya, at sobrang close kami. Sa totoo lang, hindi ko alam ang gagawin kapag wala siya. Alam ko, darating at darating ang panahon na mawawala siya, at ayaw kong maranasan ‘yon. Kung pwede nga lang sabay na lang kaming kunin ng Diyos, o mauna ako, papayag ako.” Sa buong buhay ni Gracie, noon lamang siya naging emosyonal.

Noong high school siya, kilala siya bilang logical at practical na tao, hindi gaanong nagpapadala sa emosyon. Nahihiya pa nga siya noon na sabihin sa pamilya kung gaano niya kamahal ang mga ito. Pero magmula nang mawala ang kuya Seph nila, doon niya na-realize na kailangan pala niyang sabihin sa mga mahal sa buhay kung gaano niya kamahal ang mga ito. Hindi siya dapat mahiya. Noon lang siya natutong mag-express ng nararamdaman.

“Hon, don’t say that,” awat nito sa kanya. “Peer counsellor ka ba talaga?” biro pa nito. Isa sa mga organizations niya sa paaralan ang Peer Counselors’ Group. Malaking impluwensiya sa kanya ang ate Heart niya, kaya kahit hindi Psychology ang kinuha niyang kurso, isa siyang Peer Counselor.

“Hon, it has nothing to do with me being a peer counsellor and being the sister of Psychology students. Iba na kapag si Daddy na ang pinag-uusapan. I really don’t want to lose him. Siya ang weakness ko, sila ng mga kapatid ko. Kapag dumating ang araw na kunin sila sa akin ng Diyos, tatanggapin ko. Pero sa ngayon, ayaw ko, at takot ako. Si kuya Seph pa nga lang ang nawala, grabe na ang effect sa amin, lalo na sa ate Heart.”

Mayroong isang drama sa telebisyon na may titulong Forever na madalas nilang panoorin ni Miguel gabi-gabi pagkatapos nilang kumain ng hapunan. Miguel din ang pangalan ng bidang lalake at Pepay ang pangalan ng babae.

“Ikaw hon, ha? May Pepay ka na!” Pabiro siyang sumimangot habang nakaupo sila sa mahabang sofa sa bahay niya habang nanonood ng tv.

Tumingin ito sa kanya nang tumatawa at inakbayan siya. “Yes, may Pepay ako. Ikaw ang Pepay ko.”

“Talaga?”

“Yes. Wala ng iba,” paniniguro nito. “Kaya Pepay na rin ang itatawag ko sa’yo.”

“Ang cute naman ng nickname... Pepay,” natatawang sabi niya.

 

Parehas din nilang gusto ang kantang “Forever” ng The Ambassadors. Narinig niya iyon sa radyo isang araw habang hinihintay niya ang pagdating ni Miguel at kaagad niyang nagustuhan ang kanta. Ipinarinig niya iyon kay Miguel at na-appreciate naman iyon ni Miguel kaya kinakanta din nito iyon. Ang awiting iyon ang naging theme song nila. Hindi iyon masyadong pamilyar sa iba at bihira lang nilang marinig kaya nag-download siya ng kantang iyon sa computer para palagi niyang marinig.

I may burn out like a candle and I may pass away. I may fall just like a shooting star, my heart will stay. I’ll be yours until forever, forever I’ll be true to the promise I have made from the day that I found you…

Madalas din sabihin sa kanya ni Miguel ang “God must be thinking of me when He created you.” Naniniwala itong sila na nga ang para sa isa’t-isa.

“Hon, Masaya ka ba?” tanong nito sa kanya isang beses na naglalakad-lakad sila malapit sa tabing-dagat at tanaw na tanaw nila ang Ahera Volcano.

Tumingin siya rito. “Oo naman. Bakit mo naitanong?”

“Wala. Masaya lang talaga kasi ako.” Tumigil ito sa paglalakad at hinawakan ang dalawang kamay niya at humarap sa kanya. “I love you for loving me the way you do. Hindi ako nagkamali. Mabait ka, mahinhin at mapagmahal. Thank you for being all that to me.”

“You’re welcome. I love you, forever…” Nagpatuloy sila sa paglalakad. “Hon, kung magbago ang ugali ko, mamahalin mo pa kaya ako? Paano kung maging masungit at mataray ako?”

“Hindi ko yata yun gusto. Ayaw kong magkaroon ng asawang masungit at mataray. Hindi ako makaka-survive. Kaya ikaw, sana ‘wag kang maging ganun.”

“Hindi mo pa pala ako nakitang nagalit. Kapag nagalit ako, katulad ako niyan,” inginuso niya ang bulkan. “Sasabog ako kapag naipon na talaga ang galit ko.”

“Kailangan pala, lakasan ko ang loob ko.”

“Talaga. Pareho nating alam na darating at darating ang araw na mag-tatalo at magkakatampuhan tayo. Natural na yun sa isang relasyon.”

“I agree. I promise, I won’t hurt you, and I will always love you. God must really be thinking of me when He created you.”

 

 
 
 
 
 
Cover Page   Chapter 1   Chapter 2   Chapter 3   Chapter 4   Chapter 5   Chapter 6   Chapter 7   Chapter 8
 
 
 
 
VISITORS ONLINE 
 
YSH SHOUTBOX

 
 
In Cooperation with:
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
  
    
  
 
AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
LOVE MATCH AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
 
**Contact us if you want your link included here
 
 
 
spam blocker
 
All contents of this site are copyrighted by Your Story Haven Team.  Publication for any commercial purposes, whether whole or partial, is prohibited and punishable by law.  Please contact editor@yourstoryhaven.com for any inquiries.