CHAPTER 12: REUNION
Magda-dalawang buwan ng hindi nagkikita sina Heart at Phil. Abala pa rin si Phil sa pag-aaral at sa trabaho. Si Heart naman ay sa paaralan lang nagiging abala, lalo na sa Facilitators’ Guild. Napapadalas ang pag-facilitate niya, pati na rin si Seph hindi lang sa loob ng paaralan kundi maging sa labas. Nagbigay na sila ng activities sa mga bata, high school at college students, teachers at maging sa mga ordinaryong mamamayan sa isang komunidad. Kung saan-saan din sila nakakarating, Nakapasok na rin sa FG ang mga kapatid nilang sina Sugar at Wim.
Sa tuwing maaalala niya si Phil, nami-miss niya ito. Madalas niyang pakinggan ang boses nito gamit ang stuffed toy na itinatabi niya sa pagtulog. Kailan kaya sila uli magkikita?
My love, there’s only you in my life, the only thing that’s right. My first love, you’re every breath that I take, you’re every step I make…
Kaagad na tinungo ni Heart ang tv at nilakasan ang volume nang marinig niya sina Luther Vandross at Mariah Carey sa awiting iyon. Pinanood niya ang music video at sumabay sa pagkanta.
“And I… I want to share all my love with you. No one else will do. And your eyes, your eyes, they tell me how much you care. Oh, yes, you will always be my endless love…
“Two hearts, two hearts that beat as one, our lives have just begun. And forever, I’ll hold you close in my arms. I can’t resist your charms… And love, I’ll be a fool for you, I’m sure. You know I don’t mind… You mean the world to me. Oh, I know, I found in you, my endless love.
Dum dum… dum dum dum… “Oh, and love, I’ll be that fool for you, I’m sure that you know I don’t mind. Yes, you’ll be the only one, ‘coz no one can deny this love I have inside. And I’ll give it all to you, my love, my love, my love… My endless love… My love…”
Nakaka-miss si Phil! sabi niya sa sarili.
Dum dum… My love, there’s only you in my life, the only thing that’s right…
Tumutunog ang cellphone niya. ‘Endless Love’ ang ringing tone niya. Tumatawag si Phil. Muntik na siyang matawa. Sumasagi pa lang ito sa isip niya, heto ngayon at tumatawag sa kanya. Naalala din pala siya. Kaagad niya iyong sinagot. “Hello, Phil?”
“Hi, Heart, kumusta ka na?” masiglang bati ng nasa kabilang linya.
“Okay naman,” masiglang sabi niya. “Nanonood ako ng tv. Katatapos lang ipalabas yung music video ng ‘Endless Love’ na version nina Mariah Carey.”
“Talaga? Matagal ko na rin ‘yon hindi natutugtog. Nakaka-miss nga, eh. Pero, ipapa-reserve ko na ulit ‘yung piano room. Tapos na ang recital.”
Nakadama siya ng tuwa sa sinabi nito. “Magpi-piano ka na uli?”
“Oo. Hindi na kasi ako busy sa mga susunod na araw. Okay na yung mga gawain sa opisina. Tapos na rin ako sa mga requirements ko ngayong finals. Pwede na rin kitang turuan kung gusto mo…”
Gusto niyang tumalon sa tuwa. “S-sige ba…” sagot niya. “Magba-bakasyon na rin. Wala naman akong pinagkaka-abalahan. Wala rin kaming activities ngayon sa FG.” Madalas niyang mabanggit kay Phil ang mga activities nila sa FG at kini-kwentuhan niya ito kapag bumibiyahe siya. Sabi nga ni Phil, parehas daw silang nasasanay na sa mga out-of-town trips.
“So, ano, start tayo bukas?”
“B-bukas na?”
“Oo. Lunes bukas. Kita uli tayo sa piano room? Dating oras?”
“S-sige.”
Excited si Heart nang araw na iyon. Magkikita na sila ni Phil! After two months, magkikita na kami! Gusto na niyang hilahin ang oras. Gusto na niyang sumapit ang alas-kwatro ng hapon para magkita na sila ni Phil sa piano room.
“Heart,” tawag sa kanya ni Sheda pagkatapos ng klase nila nang hapong iyon. Nilingon niya ito. “Sa’n ka pupunta?” tanong nito.
“S-sa library,” pagsisinungaling niya. “Bakit?”
“Samahan mo naman akong kumain. Gutom na ako.”
“Ah, nagmamadali kasi ako, She. Pasensya na…” pag-hingi niya ng paumanhin.
“Hmp! Baka magkikita lang kayo ni Phil,” kantiyaw nito. “’Di bale na lang. Do’n ka na sa Phil Justin mo.”
“She…” Ayaw niyang magtampo ito sa kanya, pero ayaw naman niyang magsinungaling. “Dalawang buwan na kaming hindi nagkikita, eh.”
Napangiti si Alsheda. “Tama nga ako. Magkikita kayo. Sige na, go! Baka ang dalawang buwan eh, maging tatlo pa nang dahil sa akin.”
Napangiti siya at lumapit sa kaibigan para yakapin ito. “Salamat. Love you, She!”
“Love you, too. Heart!” Gumanti ito ng yakap sa kanya.
Nang pakawalan nila ang isa’t-isa, pinagmasdan niya ang suot na belo nito na mas bumagay sa maputing kutis ng kaibigan niya. “Mas gumanda ka d’yan sa light blue viel mo.”
Tumawa si She. “Gagi ka talaga, eh ito ‘yong niregalo mo no’ng birthday ko!”
“Pero totoo ang sinasabi ko. Kaya nga ‘yan ang pinili ko kasi alam kong mas lilitaw ang itinatago mong kagandahan at ka-seksihan.”
“Gagi!” ulit nito. “Parehas lang naman tayong may tinatagong kagandahan at ka-seksihan. Mukha kang dating madre. Conservative!”
“Ikaw rin naman, ah? Kung magma-madre ako, parehas na tayong may viel.”
Tumawa uli si Sheda. “Sige na, at baka hindi ‘yon mabuhay kapag wala ang Heart niya.” Napansin siguro nito na hindi na siya makaalis dahil walang-katapusan ang kwentuhan nila.
Tumawa lang siya sa sinabi ni She, pagkatapos ay nagpaalam na siya. Palabas na siya ng Freud Building nang makita naman niya sina Joan at JS.
“Dude, where are you heading to?” tanong ni JS.
“D’yan lang sa kabilang building. May imi-meet akong tao.”
“Samahan mo muna kami. Manonood kami ng basketball sa gym. First day ngayon ng Athena University Olympic Games.” Sariling version iyon ng Athena ng Olympic Games. Dahil nagmula sa iba’t-ibang bansa ang mga mag-aaral sa Athena University, taon-taon bago ang closing ay nagkakaroon ng paligsahan ang mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang bansa.
“Eh, hindi pwede, dude. Nagmamadali ako. Pasensiya na,” nag-aalangang sabi niya sa mga kaibigan.
“Heart, you’re missing half of your life. Nagpapaka-KJ ka na,” kantiyaw ni JS.
“JS, hayaan mo na,” nakangiting sabi ni Joan. “Si Fafa Phil yata ang imi-meet n’yan ni Bessy. She’ll miss half of her life if we don’t let her go.”
Bumaling siya kay Joan. Nagtatanong ang mga tingin niya.
“Bessy, sige na. Nakita ko si Phil na pumunta na sa Victoria Building. Alam ko, magkikita kayo.” Kumindat pa ito sa kanya.
“Bongga ka, dude!” malakas na sabi ni JS. “Kung si Fafa Phil nga ‘yan, go!”
Isang maluwag na ngiti lang ang ibinigay niya sa mga kaibigan at niyakap ang mga ito bago umalis.
Patakbong tinungo ni Heart ang Victoria Building. Mabuti na lang at kaunti na ang mga tao sa gusaling iyon. Hindi okupado ang elevator. Pagkatapos ng dalawang buwan, heto siya ngayon, muling tinatahak ang daan palapit kay Phil.
Inihanda ni Heart ang sarili bago pumasok sa piano room kung saan sila madalas nagkikita noon ni Phil. Pagpasok niya sa loob, wala siyang nakitang tao. Tama ba ang piano room na pinasukan niya? Muli siyang lumabas para tingnan ang nakasulat na pangalan ng silid sa pintuan. Piano Room 2. Tama naman. Pumasok uli siya sa loob. Iyon nga ang piano room na inookupa nila noon ni Phil. Inilibot niya ang tingin. Mukhang wala rin nagbago. Kagaya pa rin ng dati ang piano room. Nasaan na kaya si Phil?
Naramdaman niyang may nagbukas ng pinto. Bumilis ang kabog ng dibdib niya dahil malakas ang kutob niyang si Phil iyon. Hindi siya nagkamali. Si Phil… Nakasuot ito ng school uniform at mayroong dalang binder. Bahagyang nagulat ito nang makita siyang nauna na roon. Kaagad itong ngumiti sa kanya.
Napalunok siya. Pagkatapos ng dalawang buwan, nagkita uli sila ni Phil. Napaka-gwapo pa rin nito. Bahagyang kumapal ang buhok nito. Hindi pa yata ito nagpapagupit.
“Hi, Heart. It’s nice to see you.” Hindi namalayan ni Heart na nakalapit na pala sa kanya si Phil.
Kumurap siya. Napakalapit sa kanya ni Phil. Nararamdaman na naman niya ang mabilis na pagkabog ng dibdib niya, katulad noon sa tuwing makikita niya ito. “I-it’s nice to see you, too, Phil.” Bagama’t abot-tenga ang ngiti niya, pinilit pa rin niyang maging kaswal ang tinig.
“Matagal din tayong hindi nagkita.”
“Two months.” Gusto niyang magsisi dahil sa sinabi. Baka mahalata ni Phil na missed talaga niya ito.
Mahinang tumawa si Phil. “Gano’n na ba katagal?”
Hindi siya nagsalita. Tumango lang siya. Napansin niyang tiningnan siya ni Phil mula ulo hanggang paa. Parang pinag-aaralan nito kung may nagbago sa kanya sa loob ng dalawang buwan.
“Humaba ang buhok mo,” sabi nito.
Napakagat-labi siya at hindi niya napigilang haplusin ang mahabang buhok na nakatali. “I-ikaw nga rin, eh. Mukhang hindi ka pa bumibisita sa barber shop.” Marahan siyang tumawa.
Tumawa rin si Phil at isinuklay ang isang kamay sa buhok. “Oo nga, eh. Sinasadya ko naman. Two months na akong hindi nagpapagupit. Tinitingnan ko kung hanggang saan ang ihahaba ng buhok ko. But this Sunday, I’m going to visit the barber shop. Halika, maupo tayo,” alok ni Phil sa kanya sa upuan sa may piano.
Napangiti siya. Sa wakas, nagkita na uli sila ni Phil. At alam niya, madalas uli silang magkakasama.
“Uuwi ka na ba, Heart?” tanong ni Phil habang palabas na sila ng piano room.
Tiningala niya ito. “Um, yes. May pupuntahan ka pa?”
“Wala naman,” sagot nito. “I was just thinking if we can go to the gym and watch some games? First day ngayon ng Olympics.”
“Ah, s-sure,” sabi niya. Makakasama pa niya si Phil ng mas matagal. Pabor iyon sa kanya. Kahit ano’ng laro, papanoorin niya.
“Ano’ng oras ka ba dapat nasa bahay na?”
“Around seven siguro, dinner time.”
Tinungo nina Heart at Phil ang university gym at nanood ng basketball. Japan at Indonesia ang naglalaban. Mas malakas ang cheer ng audience sa Japan. Kaunti lamang ang lamang ng Indonesia sa kalaban nito, kaya matindi ang labanan.
“Go, Japan!!! Go!!!” sigaw ni Phil. “Go, Willy, pass it to Jerry!” Mataas ang energy level nito.
“Friends mo?” tanong niya na ang dalawang mga lalakeng binanggit nito ang pangalan ang tinutukoy.
Nilingon siya ni Phil. “Yeah. They’re my former band mates. They sing, too.”
Panay ang pag-cheer ni Phil para sa team Japan. Nakisali na rin si Heart sa pag-cheer. Maya-maya ay naramdamang niyang may kumalabit sa likod niya at may humila sa buhok niya. Lumingon siya. Sina Joan at JS, nakaupo pala sa likod nila. Makahulugang mga ngiti ang ibinigay sa kanya ng dalawa.
“Oh, hi!” bati niya sa mga kaibigan. “Kanina pa kayo d’yan?”
“Yep,” pilyang sabi ni Joan. “Kanina pa kami nanonood dito, ‘di ba, JS?”
Alam niya kung ano ang tinutumbok nito. Hindi siya umimik.
“Ano’ng oras ka uuwi?” tanong ni Joan. “Sabay na tayo.”
“Seven,” sagot niya.
“Jo, ano ka ba? May kasabay siyang uuwi. Magiging kontrabida ka lang kapag sumabit ka,” sabi naman ni JS.
“Ah, oo nga pala.” Isang pilyang ngiti uli ang ibinigay nito. “Sige, ‘di bale na. May JS naman akong kasama.” Ipinulupot ni Joan ang isang kamay sa braso ni JS.
Napangiwi si JS. “Jo, stop that! Parehas tayong babae! Hindi ako lesbian!”
Natawa siya sa sinabi ni JS at sa mukha nitong hindi maipinta. “Oo nga naman, Jo,” sabi ni Heart. Maya-maya ay lumipat ng upuan ang dalawa niyang kaibigan, malayo sa kanila ni Phil.
Fifteen minutes bago sumapit ang alas-siyete ay niyaya na siya ni Phil na umalis kahit hindi pa tapos ang laro. Natuwa naman siya sa ginawa nito dahil naramdaman niya ang pagiging responsable ni Phil.
“Kukunin ko lang ‘yung kotse. Please wait for me here,” sabi ni Phil habang nasa labas na sila ng gym.
May dala na naman pala itong kotse. “S-sige,” sabi niya. Tinungo ni Phil ang parking area na may kalayuan din. Habang naghihintay, nakita ni Heart si Stephanie na naglalakad patungo sa university church. Naglakad siya palapit rito.
“Steph!” tawag niya.
Lumingon ito sa pinanggalingan ng tinig niya. Napangiti si Stephanie nang makita siya. “Hey, Heart!” Matagal na rin silang hindi nagkikita. “How are you?”
“Fine,” naka-ngiting sabi niya. “And you?”
“I’m great,” sagot nito. “Where have you been?”
“Gym. We watched a game.”
“Who are you with?” Inilibot nito ang tingin at parang hinahanap ang kasama niya.
“Um, just a friend.”
“Where is she?”
“He’s at the parking area…” pagtatama niya sa kasarian ng kasama niya.
“Oh…” Tumango-tango lang si Stephanie. “I have to go… Nice to see you!”
“Yeah, thanks! Nice to see you, too.”
“Bye.”
Hinatid niya ng tanaw si Stephanie na papasok sa simbahan. Wala ng misa ng ganoong oras. Palagay niya ay magdadasal lamang ito. Nang ibalik niya ang tingin sa daan, nakita niyang huminto sa harapan niya ang isang kotse. Hindi niya masyadong makita ang kulay, ngunit parang alam na niya kung kanino iyon. Nakita niya sa loob si Phil. Bumukas ang bintana sa passenger’s seat. Nakakunot-noo at nakataas ang kilay na Phil ang bumulaga sa kanya.
“Ano’ng ginagawa mo d’yan?” Nasa anyo nito ang halong pagtataka at pag-aalala.
“Ah…” Hindi kaagad siya nakaisip ng sagot. “N-nakita ko kasi yung friend ko.”
“Sakay na,” alok nito na parang hindi pa rin mai-pinta ang mukha.
Binuksan niya ang pinto sa passenger’s seat at sumakay. “N-nakita mo pala ako do’n?”
“Oo,” mabilis na sagot nito. “I asked myself: ‘what is she doing there?’ You’re alone and it’s dark. Saka, hindi kita do’n iniwan.”
“Sorry. N-nakita ko lang yung friend ko. Nag-usap lang kami sandali,” sabi niya na may halong paliwanag.
“It’s okay.” Medyo kumalma na si Phil. “I was just worried when I didn’t see you outside the gym. Akala ko kung may nagyari na sa’yong hindi maganda.”
“Thanks, but I’m okay…” Katahimikan. Tanging ang musika lamang sa stereo ang naririnig nila. “Phil…” marahang tawag niya.
“Yes, Heart?” Masigla na uli ang tinig nito.
“Thank you,” sabi niya. “Thank you sa pag-invite uli sa akin sa piano room, thank you sa pagtuturo, thank you sa time, thank you sa paghatid, thank you sa—”
“Thank you sa presence,” biglang sabi nito.
Natigilan siya.
“Thanks for being around.”
Napangiti siya. “You’re welcome, and thanks din.”
Nang ihinto ni Phil ang kotse, saka lamang niya namalayan na nasa tapat na sila ng gate nila. Maagap na bumaba si Phil at pinagbuksan siya ng pinto.
“Thank you. Would you like to come in?” alok niya.
“Ah, okay lang sana, kaso baka makaistorbo ako sa dinner n’yo. Isa pa, I have to drop by a restaurant para kumain.”
“Aahh… Wala kang kasama sa inyo?”
“Nasa Zeus si Dad, so, ako lang mag-isa sa bahay.”
“G-gusto mo, dito ka na lang mag-dinner sa amin?” alok niya.
Pagpasok nila sa bahay, nadatnan nila sina Seph at Wim na nanonood ng tv. Iginawi niya ang tingin sa kusina. Nakahain na. Iniwan muna niya sa sala si Phil kasama ang dalawang lalake at inakyat ang mga gamit sa kwarto nila ni Sugar. Nadatnan niya doon ang kapatid. Sabay silang bumaba at nagdagdag siya ng isang plato sa mesa para kay Phil. Sabay-sabay silang kumain ng hapunan. Nagustuhan ni Phil ang chicken-pork adobo na niluto niya kanina pang tanghali. Ininit na lamang nila nang gabing iyon. Nag-prito rin si Sugar ng tuyo na nabili nila sa supermarket.
“Ummm… Ang sarap talaga ng tuyo!” Hindi napigilan ni Heart ang pagkasabik sa pagkain. Inalis niya ang kubyertos at naghugas siya ng mga kamay. “Magkakamay ako! Phil, ipapakita ko sa’yo kung pa’no kumain ang mga Pilipino.” Wala siyang pakialam kung makita man siya ni Phil na kumakain ng naka-kamay. Magpapakatotoo lang siya.
“Kumakain kayo nang naka-kamay?” gulat na tanong ni Phil.
“Oo naman! Lalo na kapag ang sarap ng pagkain,” sagot niya. Nagsimula na siyang kumain ng naka-kamay. Pinapanood lang siya nito. Parang na-amuse si Phil sa paraan ng pagkain niya. “Ang sarap talaga! Ummmm…”
“Oo na, sige na, masarap na! Nadi-distract ako sa’yo, ate,” pabirong reklamo ni Wim. Hindi niya ito pinansin.
“Hala, kuya Seph, sige! Kainin mo nang kainin ang taba, para magkaroon ka ng high blood,” ani Sugar habang takam na takam si Seph sa taba ng karne.
“Hindi pa naman ngayon,” katwiran nito.
“Hindi pa nga ngayon, pero kapag tumanda ka, maglalabasan ang mga sakit mo!” sabi niya.
“Eh ‘di magpagamot,” katwiran uli ni Seph. Napansin nitong tumatawa si Phil kaya’t nakipag-high five ito sa lalake.
“Kuya, ang gamot, nabibili, pero ang organs, hindi,” pangangaral naman ni Wim.
“Eh ‘di mamatay!” parang walang-takot na sabi ni Seph.
“Shh!” saway niya. “Seph, don’t say that!”
“Ba’t kayo matatakot na mamatay, eh makakasama n’yo si God? Ayaw n’yo ba Siyang makasama?” si Seph uli.
“Sa takdang panahon,” sabi ni Wim.
“Sino ba’ng nakakaalam ng takdang panahon? Malay natin, bukas na ‘yon,” sabi pa ni Seph. “Enjoy life! Do what your heart tells you to do. Do what makes you happy. Life is short.”
Sa bandang-huli, hindi na sila kumontra sa mga sinabi ni Seph.