Your Story Haven
Share Your Stories Online
Novels Index      mysticfrance-endlesslove22
Print this pageAdd to Favorite






 
 
 
 
 


 
Endless Love
 
 

CHAPTER 22: PARTING TIME

Kaagad na bumalik sa ospital si Heart, katulad ng pangako niya kanina sa bestfriend na si Joan. Kahit wala itong malay, alam niyang naririnig sila nito. Bumulong na lamang siya kay Joan na kaagad siyang babalik. Kailangan lang nilang mag-usap ni Phil… Pag-uusap na hindi niya inaasahang hahantong sa hiwalayan.

Kaninang umaga, habang abala sa paglalaba si Heart sa bahay at nasa paaralan ang buong pamilya niya ay nagulat siya sa malakas na pagkatok sa pinto niya. Nang buksan niya ang pinto ay nakita niya si Celine na umiiyak at sinabi sa kanya ang isang hindi magandang balita. Naaksidente ang sinasakyang taxi ni Joan patungong Apollo. Nabangga ito ng malaking delivery truck at dead on arrival ang driver ng taxi. Isinugod sa ospital si Joan at comatose ang lagay nito. Dali-dali siyang nag-ayos at nagbihis at magkasama silang pumunta sa St. Elizabeth Hospital. Pagdating nila doon ay nasa private room si Joan. Hindi ito sugatan. Internal hemorrhage at comatose ang lagay nito.

Nang gabing iyon na bumalik siya sa ospital, dumiretso siya sa private room na inookupa ni Joan. Ngunit pagdating niya doon ay naabutan niya si Celine na nag-eempake ng mga gamit.

“Che?” tawag niya rito. “Nasaan ang ate mo?”

Nag-angat ito ng tingin. Namumugto ang mga mata nito. “Ate Heart!” kaagad itong lumapit at yumakap sa kanya. Gumanti siya ng yakap kay Che. Malakas ang kutob niya na mayroong hindi magandang nangyari. “Ate Heart, wala na si ate Joan…”

 

Walang tigil sa pag-iyak si Celine habang naghihintay sila sa chapel kung saan dadalhin ang mga labi ni Joan na kasalukuyang nasa funeraria pa. Gusto niya itong sabayan. Nagluluksa din siya. Nalulungkot. Gusto rin niyang umiyak, ngunit sa mga oras na iyon ay kinakailangan niyang maging matatag. Walang mangyayari kung mag-iiyakan sila ni Che. Nakaupo sila sa bandang hulihan ng kapilya at nakasandal ang ulo ni Che sa balikat niya at inakbayan niya ito at hinagod-hagod sa likod upang patahanin. Hindi niya mapigilang mapaluha.

Diyos ko, totoo po ba ito? Nasaan na po si Joan? Hindi ko na po ba siya makikitang buhay? Nang mga oras na iyon ay dobleng sakit sana ang nararamdaman niya—sakit na dulot ng dalawang mga pangyayaring hindi niya inaasahan. Ang pagkawala ni Joan, at pagtatapos ng relasyon nila ni Phil. Ngunit hindi niya kayang pasanin ang dalawang iyon. Isa lang muna ang kaya niya. At ang pagkawala ni Joan ang higit na masakit. Iyon ang sakit na nararamdaman niya ng oras na iyon. Saka na lamang niya iisipin ang nangyari sa kanila ni Phil. Si Joan muna ang iisipin niya at ang naulilang pamilya nito.

Pagkaraan ng ilang saglit at naramdaman niya ang pagtahan ni Che, ngunit hindi na ito kumikibo. Nakatulog ito sa balikat niya kakaiyak. Inilapat niya ang ulo nito sa kandungan niya. Boluntaryo naman nitong ipinatong ang mga paa sa mahabang upuan upang mahiga. Hinaplos-haplos niya ang maikling buhok nito. Maging siya ay nakatulog din…

“Heart, gising na.” Isang marahang tinig ang narinig niya. Pamilyar sa kanya ang tinig na iyon. Naramdaman din niya ang isang kamay sa kaliwang balikat niya at isang kamay sa pinsgi niya. Nakatulog siya ng nakaupo. Marahan niyang imunulat ang mga mata. Isang pamilyar na mukha ang nakita niya. Maamo ngunit malungkot na mukha ni Jonam. Hindi ito ang Jonam na kilala niya. Hindi ito ang Jonam na masayahin at tinatawag nilang ‘Barney’.

“Nam,” tawag niya rito. Umupo si Jonam sa kanang tabi niya. Inilibot niya ang tingin. Nasa kapilya pa rin siya. Mayroon siyang mga nakitang lalake na nakasuot ng puting polo shirt at itim na pantalon. Mga taga-funeraria. Nag-aayos ang mga ito sa buong kapilya. Ipinako niya ang tingin malapit sa altar. Mayroong dalawang babaeng nakatayo roon at nakatalikod sa gawi niya. Nakayuko ang mga ito at panay ang punas ng panyo sa mga mata. Si Che at ang Mama Gina niya. Nasa harapan ng isang puti at mahabang bagay. Sa pinakaunahang upuan ay nakita niya ang dalawang lalakeng pamilyar din sa kanya at kilalang-kilala niya. Nakayuko rin ang mga ito. Sina Alex at Phil. Sa kaliwang banda ng kapilya ay tahimik na nakatayo ang Papa Vernon niya, asawa ng Mama Gina niya; daddy nina Joan. Nagluluksa rin ang anyo nito. Si Joan ang pinaka-pabortio nito sa limang mga anak. Alam niyang labis-labis ang kalungkutan at sakit na nararamdaman nito. Napalunok siya at tumingin kay Jonam.

Tumingin din sa kanya si Jonam. Hinagod nito ang likod niya. “Wala na siya…”

Nakita niyang umupo sa tabi ni Philsan ang Mama Gina niya. Inakbayan ni Philsan ang ina. Si Che naman ay humakbang patungo sa kinaroroonan nila ni Jonam. Tumayo ito sa harapan niya. Tiningala niya si Che. “Ate Heart, halika, lapitan mo si ate.”

Inalalayan siya ni Jonam sa pagtayo. Hawak nito ang kanang braso niya at hawak naman ni Che ang kaliwang braso niya. Dahan-dahan silang humakbang ng sabay-sabay patungo sa may altar. Huminto sila sa tapat ng kulay puting bagay na iyon na mahaba at tila isang kahon—na  sa tuwing makakakita siya ng ganoon ay naaalala niya ang yumao niyang ina—ang tinatawag na kabaong. Isang hakbang pa ang ginawa niya at nakita na niya ang matalik na kaibigan. Si Joan, payapang natutulog. Napakaganda sa suot nitong damit at make-up.

“Jo,” marahang tawag niya. Halos pabulong iyon. Walang kibo ang best friend niya. Hindi na ito humihinga. Tuluyan na siyang napahagulhol at muli, naramdaman niya ang dalawang magkaibang kamay sa magkabilang braso niya.

 

Tahimik na lamang si Heart na nakaupo sa loob ng kapilya, nakatingin sa bagong ‘higaan’ ng best friend niya. Medyo kalmado na siya. Madalas pa ring tumulo ang mga likido mula sa mga mata niya. Hindi ganoon kadaling tanggapin ang nangyari. Kahapon lamang ay masaya silang magkakasama nina Seph, JS at Joan sa paaralan. Pagkatapos ay nagkantahan sila sa bahay nila. Panay ang birit ni Joan. Masayang-masaya sila. Hindi niya akalaing iyon na ang huling araw na makakasama nila ito.

May mga ilang tao na ang naroroon sa unang gabi ng burol. Naroroon na si JS at ang ilang mga ka-klase ni Joan at mga kaibigan nila. Naroroon na rin ang mga ilang miyembro ng Campus Ministry at Theology teacher ni Joan na siyang nangunguna sa pagdarasal. Wala pa ang pamilya niya. Hindi niya sinasagot kanina ang mga tawag ni Sugar. Alam niyang alam na ng mga ito kung ano ang nangyari kay Joan. Imposibleng hindi. Alam na ng mga kapitbahay nila ang nangyari kaninang umaga pa. Bakit kaya wala pa sila? Si Seph, nasaan na siya?”

Kanina, narinig niya ang mga magulang ni Joan na nag-uusap. Anim na araw lamang daw ang burol nito, pagkatapos ay nakatakda ng ihatid si Joan sa huling hantungan nito. Anim na araw na lamang ang mayroon siya upang makasama pa si Joan. Pagkatapos noon, hindi na niya uli ito makikita. Papaano na ako, kung wala ka, Jo? sabi niya sa sarili. Fourteen years tayong magkasama. Sabay tayong nagsimulang mag-aral. Sabi mo, sabay tayong magtatapos. Ano’ng nangyari? Ba’t ka umalis ng basta-basta?

Mula sa likod kung saan siya nakaupo, nakita niya sa isang tabi sa unahan si Philsan na nakayuko at umiiyak. Mag-isa lamang ito. Tumayo siya upang damayan ito. Parang nakatatandang kapatid na rin ang turing niya sa mga kapatid na lalake ni Joan. Hindi na iba sa kanya ang mga ito. Tumabi siya kay Philsan. Hinagod-hagod niya ang malapad na likod nito. Malaki kasi ang katawan ni Phil, katulad ni Alex. Bouncers kung tawagin nila ang dalawa noon ni Joan, lalo na kapag kasama nila itong naglalakad-lakad. Biro nila noon, walang magkakamaling mambastos at mag-snatch sa kanila ni Joan kung kasama nila sina Alex at Philsan.

Hinawakan ni Philsan ang isang kamay niya. “Salamat,” bulong nito ngunit hindi nag-angat ng tingin.

“She’s now in a better place,” sabi niya.

Tumango si Philsan. “I know. At alam kong alam mo rin kung gaano kahirap.”

“Yes,” tipid na sabi niya.

Pagkaraan ng ilang saglit ay umayos ng pagkakaupo si Philsan at ganoon din siya. Tahimik silang magkatabing naupo. Nakita naman niyang palapit sa kanila sina Sugar, Seph at Wim. Kaagad na humalik sa pisngi niya ang kapatid. Tinapik naman ng tatlo sa balikat si Philsan.

“Bakit ngayon lang kayo?” bulong niya kay Sugar.

Bumulong din sa kanya si Sugar. “Ayaw kaagad umalis ni kuya Seph. Iyak ng iyak. Hinintay muna namin ni Wim until he’s ready to come here. Hindi mo sinasagot yung mga tawag ko?”

“Nasa bulsa lang ang cell phone ko. Not in the mood to answer phone calls, sorry,” apologetic na sabi niya sa kapatid.

“I understand,” sabi ni Sugar. “Sige, lalapit muna kami kina Tita Gina.”

Tumango lamang siya pagkatapos ay binati na ng tatlo ang iba pang mga kapatid ni Joan at mga magulang. Mga ilang minuto rin na tumayo ang tatlo sa harapan ng ‘bagong higaan’ ni Joan. Namumugto ang mga mata nina Sugar at Seph. Alam niyang umiyak ng husto ang dalawa. Si Wim naman ay hindi maipinta ang mukha. Kahit hindi namumugto ang mga mata ni Wim, nasa anyo nito ang labis na kalungkutan.

 

Walang balak manatili sa bahay si Phil nang araw na iyon. Wala ang daddy niya. Wala siyang makakausap. Baka mabaliw siya kapag nanatili siyang mag-isa sa bahay, kaya’t naisip niyang pumunta sa apartment ng mga kaibigan. Doon muna siya makikitulog. Alam niyang matutuwa ang mga iyon at tiyak na madaling-araw na naman silang matutulog. Naabutan niya sina Jack, Joss at Nick na naglabas ng mga upuan at mesa para sa labas sila mag-inuman.

“Hey, mate! Glad to hear you’ll be staying here tonight!” masayang sabi ni Nick. Itinaas pa nito ang pagkakahawak sa isang baso ng beer.

“Yeah. We’ll be having a guitar hero night. That would be awesome!” sabi naman ni Joss.

Tumawa lang siya. “Speaking of Sam, where is he?” tanong niya sa tatlo.

“He’s right behind you,” sabi ni Jack.

Lumingon siya. Nakita niyang paparating si Sam. “Hey dude!” halos magtatalon ito sa tuwa nang makita siya. “Glad to see you here! Are you going to stay?”

“Yeah,” sagot niya. “What’s up?”

“Nothing new.”

Napakunot-noo si Phil nang makita si Holly sa likod ni Sam na naglalakad papalapit sa kanila. Malalaki ang mga hakbang nito. Galit na galit ang anyo. Parang gusto silang sugurin. Napansin din iyon nina Jack, Joss at Nick. Si Sam lamang ang walang kamalay-malay dahil abala ito sa pagsalin ng beer sa isang baso.

“Sam, have you done anything wrong to your girlfriend?” curious na tanong ni Jack.

“No,” tipid na sagot nito at nasa beer ang atensiyon. “Why?”

“Mate, she looks angry as a lion,” komento ni Nick.

Lumingon si Sam at laking gulat nito nang makita ang galit na si Holly, palapit nang palapit sa kanila.

“How dare you!” pasigaw na sabi nito. Kay Phil ito nakatingin. Hinarang ni Sam ang nobya.

“Hey, are you talking to me, or to one of my friends?” nalilitong tanong ni Sam.

“Aw, Sam, get out of the way. I need to say something to your beloved friend!” bulyaw nito sa nobyo.

“Honey, what’s the matter?” Nakaharang pa rin si Sam sa harapan ni Holly. Sigurado na itong hindi galit si Holly sa nobyo.

“I said, get out of the way, or else I’ll kick you!” malakas ang loob na sabi nito. Lihim na natawa si Joss. Alam nitong hindi iyon kayang gawin ni Holly. Kahit pa ilabas nito ang buong lakas, hindi nito masasaktan si Sam. Hinarap siya ni Holly. “How dare you, Phil?! Insensitive! Idiot! Selfish! Sinaktan mo si Heart. Bakit mo ‘yon ginawa sa kanya?” nasa tinig nito ang galit. “Why didn’t you ask her first if she’s okay, or how was her day before you told her your damned issues in life and breaking up with her?!”

Ikinagulat ng mga kaibigan niya ang sinabing iyon ni Holly. Lahat ng mga mata ay nakatingin sa kanya. Alam niya, kahit hindi nakakaintindi ng salitang Tagalog ang mga kaibigan niya, mayroong ideya ang mga ito kung ano ang sinasabi ni Holly.

“Her very best friend met an accident yesterday, and seeing Joan in that situation pains her so much! Yeah, of course you didn’t know, because you didn’t care. Ang iniisip mo lang, ang sarili mo—ang reasons na sasabihin mo para makipaghiwalay sa kaibigan ko,” sarkastikong sabi nito. Hinawakan ni Sam si Holly sa balikat, ngunit nagpatuloy ito. “You left her during the time she needed you most. I’m sure you know how it feels like if one of your best friends is suffering. She needs someone on her side, Phil.” Ang sarcasm sa tinig nito ay napalitan ng sakit at paghihirap. “Joan passed away last night! And she was hurt badly. Hindi ko alam kung para kaninong luha ang inilalabas niya. Kung para ba kay Joan, o para sa’yo.”

“I’m sorry,” ang tanging nasabi niya. Ikinagulat niya ang mga nalaman. 

Naging matapang uli ang tinig at anyo nito. “You should be. Dinagdagan mo ang sakit na nararamdaman niya. You. Are. SELFISH!”

Inakbayan ni Sam ang nobya at nagsimulang umiyak si Holly. Yumakap ito kay Sam. Muli itong nagsalita, ngunit hindi sa kanya nakatingin, kundi sa tatlo niyang mga kaibigan. “Jack, Joss, Nick, I am so sorry for doing this in your place. I really do.” Nasa tinig nito ang sinseridad. Isang tango mula kay Joss ang natanggap na sagot ni Holly. “Thank you.”

“Come on, let’s get out of here,” marahang sabi ni Sam sa nobya. Tumalikod ang dalawa at humakbang papalayo.

“Hey, would you mind telling us what happened?” Naramdaman ni Phil ang pagpatong ni Jack ng isang kamay sa balikat niya at pinakiramdaman niya ang tinig. Nakiki-simpatya.

 

Handa na sana si Heart na isubo ang hawak na sandwich nang magtanong si Seph kinaumagahan habang kumakain sila ng almusal. “Nasaan nga pala si Phil? Hindi pa ba siya bumabalik ng Athena?”

Ibinalik niya ang hawak na sandwich sa plato at uminom ng tsokolate. “Athena Island or Athena City?” ganting tanong niya. Hindi pa niya nasasabi sa kahit na sino sa pamilya ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Phil. Tanging kina JS at Holly lamang niya nai-kwento ang nangyari. Masyado silang abala sa unang gabi ng burol ni Joan.

“Both,” sabi ni Seph na nagsisimula na rin kumain ng sandwich.

Bumuntong-hininga siya. “Dumating na siya two days ago,” sabi niya. “Pagbalik, trabaho kaagad.”

“Kaya ba wala siya sa burol kagabi para damayan ka man lang?” tanong uli ni Seph. Ito na ang pagkakataon niya upang ipaalam sa pamilya kung ano ang nangyari.

“Kahit hindi siya abala sa trabaho, o kahit hindi siya nagta-trabaho, I don’t think na pupunta siya sa burol kagabi to comfort me.”

“What do you mean?” kaswal na tanong ni Seph.

“We broke up yesterday,” kaswal din na sabi niya. Parang walang nangyari. Parang natural lang na nangyari iyon. Ayaw niyang magpaka-emosyonal nang umagang iyon. Tama na muna ang pag-agos ng luha para kay Joan. Saka na lang si Phil. Saka na lang ang nasirang relasyon nila.

Nabasag ang saglit na katahimikan nang mabitawan ni Sugar ang tinidor na hawak at tumama iyon sa plato nito. Tatlong pares ng mga mata ang tulalang nakatingin kay Heart. Hindi pinansin ni Sugar ang malakas na tunog ng kubyertos.

Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa tatlong kaharap. “Yeah, we broke up yesterday,” pangungumbinsi niya. Parang hindi siya nasasaktan.

“Ano’ng nangyari? Sino’ng nakipag-break kanino?” nakataas ang kilay na tanong ni Sugar.

“It’s just that… he needs to be single again. Maraming mga bagay ang gumugulo sa isip niya, particularly about his future with me, marriage and… religion,” sabi niya sa mahinang tinig. Seryoso na siyang nagsasalita. Walang umimik sa tatlo kaya’t nagpatuloy siya. “He’s starting to see and plan his future with me, kaso hindi pa niya alam kung ano’ng mangyayari. He doesn’t know yet which path to take. He also has an issue regarding marriage. He knows what I want. Alam niya na pangarap kong ikasal balang-araw, at sa tingin niya, hindi pa siya handang mag-settle down. Hindi niya ma-imagine ang sarili niya na ikakasal at magkakaroon ng pamilya. Lastly, he used to ignore Someone up there, according to him. And knowing me—us, the whole family, we consider ourselves to have a good relationship with God. He needs time to settle the issues in his life. He wants to be single until he’s ready to commit and to settle down and to know what he really wants in his life.”

“So… Wala na talaga kayo?” nag-aalangang tanong ni Sugar.

Marahan siyang umiling. “Wala na.”

“Hindi ba pwedeng cool off? Parang biglaan naman,” sabi ni Wim na hindi na ginagalaw ang hawak na kubyertos. Nakatingin ito sa kawalan.

“Nabigla rin ako,” amin niya. “Hindi ko inaasahan. Akala ko, everything’s alright at wala akong nakikitang dahilan para maghiwalay kami.”

“Pero ‘di ba, umaga kahapon, nasa ospital ka na? Saan kayo nag-usap? Paano kayo nag… hiwalay?” si Seph.

“Oo, nasa ospital ako kahapon ng umaga. Bigla siyang tumawag bandang hapon, nakikipagkita sa Military Academy. Hinayaan ko siyang magsalita. Hindi niya alam ang nangyari kay Joan. Hindi niya alam na malungkot din ako, na iyak ako ng iyak… Nalaman lang niya nung nag-offer siya na ihatid ako pauwi. Sabi ko, hindi pa ako uuwi. Pupunta pa ako sa ospital. Then I told him what happened to Joan, then I walked away,” kwento niya.

Hinawakan ni Sugar ang isang kamay niya na nakapatong sa mesa at marahang pinisil iyon. “We’re sorry to hear that.”

“Sorry din kung hindi ko agad nasabi sa inyo,” sabi niya sa tatlong kaharap. “Sa totoo lang, ang bigat-bigat na ng nararamdaman ko kahapon pa. Hindi ko alam kung alin ang iiyakan, ang pagkawala ni Joan, o ang pagkawala ng relationship namin ni Phil. Minsan, hindi ko alam kung para kaninong luha ang inilalabas ko. I decided na si Joan muna ang iisipin ko ngayon. Mas masakit ang nangyari kay Joan… Mas mabigat. Saka ko na lang iisipin ang tungkol sa amin ni Phil.”

Walang nagsalita. Nagsitayuan ang tatlo at binigyan siya ng mahigpit na yakap. I’ll be fine, sabi niya sa sarili. Nandito pa ang pamilya ko. I’m not alone…

Nang araw din na iyon ay sinalubong nina Seph at Wim sa airport ang daddy nila kasama si Gracie. Kaagad itong nagpasya na bumiyahe patungong Athena Island nang malaman ang nagyari kay Joan. Halos anak na rin ang turing nito sa mga anak ng matalik na mga kaibigan.

Sa anim na araw na burol ni Joan, laging naroroon si Heart. Gabi-gabi siyang pumupunta sa burol. Pagkagaling sa paaralan ay uuwi muna siya sa bahay upang magpalit ng damit at kumain, pagkatapos ay pupunta sa burol kasama si Seph na gabi-gabi rin naroroon. Sina Sugar at Wim ay hindi nagtatagal. Pagkaraan ng isang oras ay uuwi na rin. Ang daddy naman niya ay si Gracie ay maghapong nasa burol. Sa gabi naman umuuwi ang mga ito sa bahay nila.

Nai-kwento sa kanya ni Philsan na pumunta rin sa burol si Phil isang hapon. Pagkatapos noon ay hindi na ito bumalik. Hindi na niya nakikita sa paaralan si Phil at sa tingin niya ay hindi pa siya handang makita ito.

Dumating ang araw na ayaw sanang dumating ni Heart. Ang araw na kinakatakutan niya, ang paghatid kay Joan sa huling hantungan. Pagkatapos ng misa, bago tuluyang lumabas ng simbahan ay nag-alay ng awitin ang ilang mga kamag-aral at kaibigan ni Joan, at isa na doon si Seph. Inawit nito ang huling kantang inawit ni Joan nang gabing nakasama nila ito bago ang aksidente. Ang PARTING TIME.

 

I remember the days
When you're here with me
Those laughter and tears
We shared for years
Mem'ries that we had
For so long it's me and you
Now you're gone away
You left me all alone

Go on, do what you want
But please don't leave me
You'll break my heart
Hey, what should I do
Babe, I'm missin' you
Please don't disappear
These are the words that you should hear
Time and time again
I wish that you were here

I don't wanna lose you girl
I need you back to me
I don't wanna lose you
Baby can't you see
Oh, I need you
You've been a part of me

I wish someday you'll be back home
'Cause I really miss you
Darling, please come home

I wish someday you'll be back home
'Cause I really miss you
Darling, please come home

 

Inihatid nila sa huling hantungan si Joan, sa isang lugar sa Athena City na natatanaw ng lahat ng tao, sa Holy Infant Memorial Garden sa Olympian Hill. Magkakahawak-kamay sina Seph, Heart at JS habang nagpapaalam sa matalik nilang kaibigan.

Goodbye, Joan… My best friend, my sister. I love you.

 

Halos hindi mapalagay si Phil sa mga nasaksihan kanina. Hindi maayos ang lagay ni Heart. Papaano siya matatahimik? Papaano siya makakatulog sa gabi gayong hindi siya mapalagay kakaisip. Isa siyang duwag sa tingin niya. Insensitive at makasarili. Mas inuna pa niya ang sarili. Hindi man lang niya naisip si Heart. Ano’ng klaseng tao ako?

 

 
 
 
 
 
Cover Page   Chapter 1      Chapter 2      Chapter 3      Chapter 4      Chapter 5      Chapter 6      Chapter 7
Chapter 8      Chapter 9      Chapter 10    Chapter 11    Chapter 12    Chapter 13    Chapter 14    Chapter 15
Chapter 16    Chapter 17    Chapter 18    Chapter 19    Chapter 20    Chapter 21    Chapter 22    Chapter 23
 
 
 
VISITORS ONLINE 
 
YSH SHOUTBOX

 
 
In Cooperation with:
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
  
    
  
 
AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
LOVE MATCH AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
 
**Contact us if you want your link included here
 
 
 
spam blocker
 
All contents of this site are copyrighted by Your Story Haven Team.  Publication for any commercial purposes, whether whole or partial, is prohibited and punishable by law.  Please contact editor@yourstoryhaven.com for any inquiries.